Friday, September 2, 2022

PANUKALANG BADYET NG OPS PARA SA 2023, TINAPOS NA SA KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list Ako Bicol) ngayong Biyernes ang briefing sa panukalang badyet ng Office of the Press Secretary (OPS) para sa 2023. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, inilarawan ni Committee Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang Office of the Press Secretary (OPS) na may pangunahing mandato na magbalangkas, at magpatupad ng mga sistema sa impormasyon para sa Tanggapan ng Pangulo, at magmantine ng ugnayan sa mga media at tagasulong. 


Sinabi ni Quimbo na ang OPS ang nagbo-broadcast ng mga mahahalagang aktibidad ng ehekutibo, na nakakaapekto sa araw-araw na buhay ng sambayanan, partikular na ang pagtugon sa mga natural na kalamidad. 


“By doing so, OPS helps assure the people that the government is addressing their most pressing needs, na merong gobyernong kumakalinga sa kanila lalo na sa panahon ng taghirap”, ani Quimbo, na isponsor ng badyet ng ahensya. 


Idinagdag niya na kinakailangan lamang para sa Kongreso na repasuhin ang mga programa ng ahensya at mga aktibidad, at tiyakin ang sapat na mapagkukunan upang sila (OPS) ay epektibong makapamahagi ng mga mahahalagang impormasyon sa 100 milyong Pilipino sa buong kapuluan. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na sa 2023 National Expenditure Program (NEP), ang kabuuang halaga ng badyet ng OPS Proper ay P473.1-milyon. 


Sa halagang ito, P192.5-milyon ang ilalaan sa personnel services (PS) samantalang P275.5-milyon ang mapupunta sa maintenance and other operating expenses (MOOE). 


Samantala, P5- milyon ang ilalaan sa capital outlay (CO). 


Gayundin, sa ilalim ng 2023 NEP, ang halagang P748.3-milyon ay ilalaan sa mga kalakip na ahensya at mga korporasyon ng mga pag-aari ng estado tulad ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) at APO Production Unit na makakuha ng zero badyet. 


Lahat ng mga kalapkip na ahensya at korporasyon ay makakakuha ng zero badyet para sa kanilang capital outlay. 


Bilang tugon sa tanong ni Rep. Edcel Lagman (1st Distrct, Albay) hinggil sa kung ang ahensya ba ay may kongkretong polisiya, at istratehiya upang sugpuin ang misinformation at disinformation sa social media, sinagot ni Angeles na sila ay lumikha ng fact-checking team at mga tumutugon sa mga usapin hinggil sa mga tungkulin at kapangyarihan ng pamahalaan, at iba pa.

No comments:

Post a Comment