Tuesday, August 30, 2022

PITC AT PS-DBM BINATIKOS SA KAMARA DAHIL SA NAPAKATAMING PARKED FUNDS NG MGA ITO

Binatikos ni House Deputy Speaker at Batangas 6th District Rep. Ralph Recto ang Philippine International Trading Corporation (PITC) at ang PS-DBM bunsod sa napakaraming mga 'parked funds.'


Sinabi ni Recto ang PITC ay dapat na mawalan ng karapatan bilang isang parking lot ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno.


Sa isang pahayag, binansagan ni Recto ang PITC bilang kontrobersyal na kambal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).


Aniya ang PITC, na nakaugnay sa Department of Trade (DTI), ay dapat bumalik sa orihinal nitong mandato bilang state international trading arm, na nagsasagawa ng countertrade o nag-aangkat ng mga mahahalagang produkto para sa mass distribution ng gobyerno tulad ng gamot at pataba.


Ayon sa mambabatas, nabigo ang PITC na maihatid sa oras ang mga goods, kagamitan at imprastraktura na kinontrata nitong bilhin para sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sa pagtatapos ng 2019, ang PITC ay nagkaroon ng mga hindi naihatid na order o hindi naibalik na mga advance na nagkakahalaga ng P33.2 bilyon mula sa 79 na transaksyon ng gobyerno.


Nang sumunod na taon, bahagyang bumaba ang backlog value sa P31.5 bilyon, na kinasasangkutan ng 61 kontrata.


Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), sa taong 2021, nasa P14.9 bilyon ang mga pondong hawak ng PITC.


Ang nangungunang limang ahensya na may “parked funds” sa PITC ay may mga nakabinbing order na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon bawat isa.


Ito ay ang Bureau of Fire Protection (BFP), sa P2.66 bilyon; Philippine Army, P2.23 bilyon; Department of Information and Technology (DICT), P2.19 bilyon; Bureau of Customs (BOC), P1.33 bilyon; at Department of Health (DOH), P1.19 bilyon.


Ang iba pang ahensyang may hindi nabili na mga bagay na nagkakahalaga ng mahigit P500 milyon ay ang Philippine Navy, P947 milyon; Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), P783 milyon); University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), P687 milyon; at Philippine National Police (PNP), P507 milyon.


Dahil dito, sinabi ni Recto na dapat na itong itigil.

No comments:

Post a Comment