Inaprubahan ngayong Huwebes ng Komite ng Government Enterprises and Privatization sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Edwin Olivarez (1st District, ParaƱaque City) ang House Bill 3622, na naglalayong paliwigin ang corporate life ng Philippine Aerospace Development Corporation (PADC) ng 50 taon pa. Ang panukala ay muling inihain nina Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan at Rep. Lord Allan Velasco (Lone District, Marinduque City), at ito ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa noong ika-18 Kongreso.
Binanggit ni PADC President and CEO Raymond Mitra na ang corporate life ng PADC ay nakatakdang matapos ang bisa sa ika-5 ng Setyembre 2023, alinsunod sa Presidential Decree 286.
Sinabi niya rin na ang pagpasa sa panukala ay lubhang napakahalaga, upang makamit ang mga mahahalagang layunin ng Philippine Development Plan 2017-2022, paigtingin ang pambansang pagkakaisa sa mga industriya ng aviation at aerospace, tugunan ang lumalagong banta sa panglabas sa pamamagitan ng pagtitiwala sa sarili sa mga kagamitang pang depensa, kabilang na ang pagsusulong ng paglilipat ng teknolohiya mula sa mga kapit-bansa.
Samantala, nag briefing si Governance Commission for GOCCs (GCG) Chairman Alex Quiroz sa Komite, hinggil sa kanilang mga mandato at mga umiiral na programa.
Inilatag rin niya ang mga prayoridad na adyenda sa lehislasyon ng GCG, na kinabibilangan ng pagpapalawig at paglilinaw ng mga kapangyarihan ng GCG, maayos na pag-uuri ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs), pag-aayos ng termino ng tanggapan ng GCG Chairman at mga Commissioners, paggagawad ng kapangyarihan sa oversight sa mga pag-aari ng GOCC, at paggagawad ng kapangyarihan sa pag-iimbestiga at pagdidisiplina, at iba pa.
Sa idinaos na pulong, inaprubahan din ni Olivarez ang rules at procedures ng Komite. Sinabi niya na natanggap na ng Komite ang 78 House bills at dalawang House Resolutions na isinumite sa kanila.
No comments:
Post a Comment