Ipinagpatuloy ngayong Martes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang mga pagpupulong sa panukalang P5.268-trilyon pambansang badyet para sa taong 2023.
Inimbitahan sa pagpupulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang punong ahensya ng pamahalaan na naatasang lumikom at maglaan ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong at serbisyong medikal, at mga kawanggawa na may pambansang katangian.
Nilinaw ni Committee Senior Vice Chairperson Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa mga mambabatas, na hindi humihingi ng pag-apruba ng kanilang badyet ang PCSO, bagkus ay naimbitahan sila upang pormal na mag-ulat sa kanilang naisakatuparan, mga naisagawa at naibigay sa pamahalaan.
Sa kanyang ulat, ibinahagi ni PCSO Chairman Junie Cua na ang mga napagbentahang tiket mula sa umiiral na mga laro sa loterya, ay ibinabahagi sa pamamagitan ng pagbabawas ng dalawang porsyentong halaga ng pag-imprenta mula sa halaga ng kabuuang mga resibo, upang makamit ang netong halaga ng mga resibo. Ito ay hahatiin sa tatlong pondo, katulad ng: ang net prize fund na binubuo ng 55 porsyento; ang charity fund na binubuo ng 30 porsiyento; at ang net operating fund na 15 porsiyento.
Sinabi ni Cua na para sa taong 2023, ang kanilang tinatayang benta ng mga tiket ay P55.78 bilyon nitong Agosto 25, 2022. Ito ay sasailalim muna sa pagsusuri ng lupon ng PCSO, at pagsasaalang-alang ng iba pang mga programang maaaring tutukuyin ng Tanggapan ng Pangulo at/o mga tukoy ng ahensya na sinuri at inaprubahan ng Governance Commission para sa Government-owned or Controlled Corporations (GOCCs).
Ipinakita ni Cua ang plano para sa paggamit ng tinatayang P16.3 bilyong charity fund para sa 2023 nitong Agosto 25, 2022, na sasailalim sa pagsusuri at pag-apruba ng lupon: P2.36 bilyon para sa itinakdang kontribusyon/mga espesyal na batas/mga executive order; P11.15 bilyon para sa 20 porsiyentong documentary stamp tax; PP1.39 bilyon para sa programang medikal; P499.7 milyon para sa pagpapaupa ng kagamitan; at P982.7 milyong bahagi sa STL charity fund (LGUs, atbp.).
Tinalakay din ni Cua ang mga hamon sa 20 porsiyentong documentary stamp tax (DST).
Kinakatawan ng DST ang pinakamalaking bahagi ng gastos sa charity fund, at nililimitahan nito ang kapasidad na mapanatili ang probisyon ng pondo para sa iba pang mga prayoridad na programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Umapela siya at humingi ng suporta mula sa mga kasapi ng Komite, ukol sa 20 porsiyentong pagbawas sa ilalim ng panukalang Comprehensive Tax Reform Package 4 na kasalukuyang nakabinbin sa Komite ng Ways and Means.
Sinabi ni Cua na tinitiyak ng 20 porsiyentong pagbawas ang patuloy na pagpopondo para sa mga programang pangkawanggawa, pagbibigay ng karagdagang pondo para sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, at garantiyang suporta para sa tulong ng PCSO para sa iba pang mga programang prayoridad sa kalusugan ng pambansang pamahalaan sa kapakinabangan ng lahat ng Pilipino. Bilang tugon sa tanong ni Committee Vice Chairman at Quezon Rep. David Suarez hinggil sa iba pang larong digital ng PCSO, ipinahayag ni Cua na nais nilang mag-online dahil ito ay mangangahulugan ng higit na kaginhawahan para sa mga mananaya.
“We are hoping this shift to digitalization would improve revenues,” ani Cua.
No comments:
Post a Comment