Tuesday, August 30, 2022

PANUKALANG BATAS NA GUIDE, INAPRUBAHAN NG KOMITE NG KAPULUNGAN

Nagsagawa ng unang pagpupulong ngayong Martes ang Komite ng Banks and Financial Intermediaries sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Manila Rep. Irwin Tieng, kung saan ay inaprubahan ng mga mambabatas ang Rules of Procedure ng Komite.  


Gayundin, mabilis na pinagsama-sama at inaprubahan ng Komite ang House Bills 1, 685, 3460, at 3700, o ang panukalang “Government Financial Institutions (GFIs) Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.” Kabilang sa mga pangunahing may-akda ay si Speaker Ferdinand Martin Romualdez. 


Tinukoy ng Komite ang Section 48 ng House Rules, na nagpapahintulot sa agarang pag-apruba ng mga panukala, na naipasa na sa ikatlong pagbasa noong nakaraang Kongreso. 


Sa kanyang pambungad na pahayag, binanggit ni Tieng na maraming negosyo at kritikal na industriya, kabilang ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), ang nagambala dahil sa mga lockdown na dulot ng pandemya. 


Binigyang-diin niya na napakahalaga para sa pamahalaan na mag-alok ng kinakailangang tulong pinansyal sa mga negosyong ito, upang mapanatili silang tumatakbo, at nang sa gayon ay maprotektahan ang mga trabaho ng mga Pilipino. 


Sa kanyang paliwanag sa HB 1, sinabi ni Speaker Romualdez na nakasaad sa panukalang batas ang pag-uutos sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), na palawigin ang kanilang pagpapautang at rediscounting sa mga apektadong MSMEs sa agrikultura, imprastraktura, pagmamanupaktura, at mga industriya ng serbisyo, upang matulungan silang matugunan ang kanilang mga pangangailangan na makalikom ng pondo.  


Dagdag pa rito, pinahihintulutan ang LBP at ang DBP na lumikha ng isang espesyal na kumpanya, na ayon sa paliwanag ni Speaker Romualdez ay magbibigay ng suporta sa mga usapin hinggil sa solvency/liquidity na dulot ng krisis sa kalusugan sa mga mahahalagang kumpanya. 


Sa kanyang bahagi, binanggit ni ACT-CIS Rep. Jeffrey Soriano na ang MSMEs ay bumubuo ng 99.5 porsiyento ng mga mga establisyimento ng negosyo sa bansa, nakapagbigay ng trabaho sa 63 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa, at nakapag-ambag ng 40 porsiyento sa gross domestic product ng Pilipinas.  


Sinabi ni Soriano na makakatulong sa sektor na ito ang panukala, sa pamamagitan ng mga pagkalibre sa pagbubuwis, mga diskwento sa pagpaparehistro, at mga programa sa pagpapautang. 


Samantala, nagpahayag ng kanilang kahandaang tumulong sa Kapulungan ang DBP, ang Department of Finance, gayundin ang Department of Budget and Management, sakaling may pangangailangang baguhin ang mga probisyon ng panukalang batas.

No comments:

Post a Comment