Thursday, September 1, 2022

PAGDINIG SA PANUKALANG BADYET NA P52.72-B SA HUDIKATURA PARA SA 2023, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P52.72-bilyon panukalang badyet ng The Judiciary para sa piskal na taong 2023. Sa kanyang pambungad na pahayag, pinasalamatan ni Co si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa mga pagbabagong iniharap upang bigyang-daan ang The Judiciary na harapin ang mga hamon ng pagkakaloob ng hustisya, sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19. 


Kabilang dito ang: 1) Philippine Judiciary 365app na itinalaga sa lahat ng korte, bilang plataporma para sa mga pagdinig sa pamamagitan ng videconferencing (VCH); 2) Judiciary Electronic Payment System na unang sinubukan sa mga korte sa unang antas ng hukuman, upang simplehan ang pagtataya at pagbabayad ng mga bayaring legal sa hukuman; at 3) kauna-unahang digital at lokal na Bar Examinations na ginanap noong Pebrero ngayong taon, na may 11,402 examinees at lumabas ang mga resulta pagkalipas lamang ng halos dalawang buwan. 


“We look forward to more judicial innovations to deliver efficient and accessible justice in real-time to the public,” ani Co, at tiniyak niya sa Kapulungan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na susuportahan ang pamilya ng Hudikatura para makamit ang mga plano at programa nito sa 2023. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Court Administrator Raul Villanueva ng Korte Suprema, na ang halagang P21.46-bilyon ay kinaltas mula sa orihinal na panukalang badyet ng Hudikatura na P74.18 bilyon, na isinumite sa Department of Budget and Management (DBM). Hinikayat niya ang mga mambabatas na muling bigyan ng konsiderasyon ang pagdaragdag ng P2.8-bilyon sa P52.72-bilyong badyet ng The Judiciary, na binubuo ng Supreme Court of the Philippines and the Lower Courts (SCPLC), Court of Appeals (CA), Court of Tax Appeals (CTA), Presidential Electoral Tribunal (PET), at Sandiganbayan (SB). Sa kanyang interpelasyon, tinanong ni ACT Teachers Rep. France Castro kung bakit marami pa ring hindi napupunan na mga posisyon ang Hudikatura. “Nagtititpid ba tayo?,” tanong ni Castro. 


Ipinaliwanag ni Villanueva na dinodoble na ng The Judiciary ang pagsisikap nitong mapunan ang mga bakanteng posisyon, at sa katunayan, ang Selection and Promotions Board nito ay nagpupulong tuwing Lunes, upang desisyunan ang mga aplikasyon. Nagtanong naman si Komite ng Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo kung bakit sa kabila ng nahigitan nito ang mga target nito, humihiling pa ang Hudikatura ng karagdagang 271 pang posisyon. 


Ipinaliwanag naman ni Villanueva na mayroong ilang mga korte kung saan ang bunton ng kaso ay maaaring mas mataas, at may mga korte na maaaring mas mababa ang bunton ng kaso. 


“But we cannot discriminate between these two courts because they have the same plantilla positions,” aniya.  Pinangunahan ng Vice Chair ng Komite at Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga ang pagdinig.

No comments:

Post a Comment