Tuesday, August 30, 2022

KOALISYON NG MGA MAMBABATAS NA NAGSUSULONG NG MALIKHAING INDUSTRIYA, IPINAKILALA NI REP. DE VENECIA

Muling isinulong ni House Special Committee on Creative Industry and Performing Arts Chairperson Rep. Christopher De Venecia (4th District, Pangasinan) ang malikhaing industriya ng bansa, sa privilege hour ngayong Martes ay hiniling niya ang suporta mula sa kanyang mga kapwa mambabatas, na tumulong na sukdulang maiangat ang mga malikhain. 


Binanggit ni De Venecia na ang Arts, Culture at Creative Industries Bloc (ACCIB) ay sinimulan sa ika-18 Kongreso. 


Ipinaliwanag niya na ang ACCIB ay isang impormal at walang kinikilingang koalisiyon ng mga mambabatas, na ang pangunahing layunin ay tugunan ang kakulangan ng kinakailangang suportang institusyonal, na sagabal sa tagumpay ng malikhaing industriya. 


Bilang mga mambabatas, layon ng mga miyembro ng ACCIB na: 1) maghain ng mga panukala at resolusyon na magsusulong ng mga kapakanan ng mga malikhain; 2) maglobi ng suporta para sa pondo para sa mga ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng mga programa, para sa mga industriya ng kultura at malikhain; 3) gampanan ang kapangyarihang oversight upang matiyak na ang mga batas ay wastong naipapatupad at ganap na tumutugon sa mga nagsusulong; 4) magsulong at mag-udyok ng kolaborasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor; at 5) pangunahan ang pagpapakalat ng mga impormasyon sa mga nagsusulong upang magkaroon ng kamalayan sa mga umiiral na suportang institusyonal at proteksyon, kabilang na ang publiko sa mga aktibidad ng ACCIB. 


Dahil dito, ipinagdiwang ni De Venecia ang pagsasabatas ng Republic Act 11904, o ang Philippine Creative Industries Development (PCID) Act, na nagsulong at nagpapaunlad ng mahigit na 50 malikhaing industriya sa Pilipinas. 


Bukod sa pag-iimbita sa iba pang mga mambabatas na sumapi sa ACCIB, hinimok niya rin pati na ang mga nasasakupan na pag-aralan ang batas sa PCID, upang ang mga malikhain sa kanilang mga distrito ay makinabang sa mga programa, serbisyo, at mga insentibo na nakasaad sa batas. 


“With the help and cooperation of all its members, the possibilities of what the bloc can contribute to cultivating the creative industries are truly limitless. I humbly ask everyone to spread the word about RA 11904 to your respective creative communities. I firmly believe with all my heart that #TheFutureIsCreative,” aniya.

No comments:

Post a Comment