Tuesday, August 30, 2022

P18.9-B NA HINDI NAKA PROGRAMANG PONDO PARA SA MGA MANGGAGAWA SA KALUSUGAN, NILINAW NG MAMBABATAS

Sinabi ngayong Martes ni Deputy Majority Leader at Committee on Appropriations Vice-Chairperson Rep. Janette Garin (1st District, Iloilo) sa idinaos na pulong balitaan ng "Ugnayan sa Batasan" Majority News Forum, na gagamitin nila ang bawat minuto at bawat oras upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga mambabatas, ngayong nagsimula na ang deliberasyon sa badyet. 

Ayon sa kanya, ang mga budget briefings ay hindi magiging sagabal sa mga regular na pagdinig ng mga Komite, kahit limitado lamang ang mga ginagamit na conference rooms. 


Nang matanong hinggil sa mga hindi naka programang pondo ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) na nagkakahalaga ng P18.9-bilyon, na nakalaan para sa mga benepisyo at allowances sa mga pampublikong kagipitan sa kalusugan ng mga healthcare at non-healthcare na manggagawa, ipinaliwanag ni Garin na hiwalay ito sa mga allowances na iginagawad sa sa mga manggagawa sa kalusugan, sa pamamagitan ng Republic Act 11712, o ng "Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act." "The P18.9-billion in the unprogrammed fund will not in any way affect the risk allowances, the full transpo allowances that our health workers are benefitting at the current moment," aniya. 


Idinagdag niya na ang mga nakasama sa mga naka programang pondo ay mga regular na sahod at allowances para sa mga manggagawa. 


"We are not hoping that there would be another public health emergency in 2023, but then if that happens, ang unprogrammed fund naman talaga ay pwedeng mapondohan," dagdag pa ni Garin. 


Ang panukalang badyet ng DOH para sa Fiscal Year 2023 ay  P296.3-bilyon. 


Tiniyak niya rin na ang kakulangan ng bagong Kalihim ng DOH ay walang magiging epekto sa paghahatid ng serbisyo-publiko sa kalusugan, at ang pagpili ng mga bagong kawani para sa mga bakanteng posisyon sa Kagawaran ay mas mahalaga.

No comments:

Post a Comment