Wala pang 10 minuto ay tinapos na ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P9.031-bilyon panukalang badyet ng Tanggapan ng Pangulo (OP) para sa piskal na taong 2023, bilang paggalang sa kapantay na sangay ng pamahalaan.
Bilang pagsuporta sa badyet ng OP, dumalo sa pagdinig sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, kasama ang ilang kasapi ng Komite.
Sinabi ni Co sa kanyang pambungad na pahayag na buong pusong kinikilala ng Komite ang pangako ng OP, at sa wastong pagkilala sa mandato ng konstitusyon sa isang kapantay na sangay ng pamahalaan na pinatunayan ng pagdalo ng mga pangunahing opisyal nito, sa pangunguna ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa pagdinig ng badyet.
Binigyang-diin ni Co na ang 1987 Constitution ang nagbigay sa Pangulo ng mga kapangyarihang ehekutibo at inatasan siyang tiyakin na ang mga batas na ipapasa sa Kongreso, kabilang ang General Appropriations Act, ay matapat na maisakatuparan.
“Ang Pangulo din po ang magtitimon sa mga departamento at ahensiya ng pamahalaan, upang maabot ang walong point na socio-economic agenda lalo na ang paglikha ng trabaho at pagsupo sa kahirapan,” aniya.
Pagkatapos ay kaagad namang nagmosyon si Dalipe upang wakasan ang pagdinig sa badyet ng OP, at tinukoy ang kinikilalang tradisyon ng pagpapalawig ng parlyamentaryong kortesiya sa isang kapantay na sangay ng pamahalaan, na mabilis namang sinegundahan.
Nagpasalamat si Rodriguez sa mga mambabatas sa pangunguna ni Speaker Romualdez sa pagsuporta sa panukalang badyet ng OP.
“And in line with the expressed instruction of His Excellency President Ferdinand Romualdez Marcos Jr., you can be assured that the Office of the President is here, together with you your Honors, in meeting the expectations and hopes of the more than 112 million Filipinos, which the President now leads, founded on a solid foundation of 31.5 million votes more or less, in promoting the people’s welfare and upholding the interest of the nation. We are one with you your Honors in nation-building. Maraming salamat po,” ani Rodriguez.
Samantala, nagpahayag si Minority Leader Marcelino Liban ng pagsuporta ng Minority sa mosyon na wakasan ang paunang pagdinig ng badyet ng OP bilang kortesiya.
Panghuli, sinabi ni KABATAAN Rep. Raoul Danniel Manuel na ihahain na lang nila sa plenaryo ang kanilang mga alalahanin tungkol sa confidential at intelligence funds, gayundin sa pondo para sa Oversight National Security Programs sa ilalim ng panukalang badyet ng OP.
Ang panukalang badyet ng OP ay P796.2 milyon na mas mataas kaysa sa 2022 na badyet nito na P8.235-bilyon.
No comments:
Post a Comment