Tinapos na ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P251.18-bilyon na panukalang badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa Piskal na Taon 2023, na kung saan ay dinepensahan ito ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren.
Sa kanyang pambungad na pahayag, kinilala ni Co ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagbangon ng bansa mula sa sosyo-ekonomikong epekto na dulot ng pandemya.
Bukod sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga LGU na mahusay na makapaglingkod sa mamamayang Pilipino, idinagdag ni Co na dapat ding pagtuunan ng DILG ang pagpapalakas ng laban nito kontra sa paghihimagsik, kriminalidad, at mga ilegal na droga.
Inihayag ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga prayoridad ng DILG na binubuo ng: 1) pagpapakita ng pinakamataas na potensyal ng mabuting lokal na pamamahala; 2) pagpapayaman sa mga relasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan; 3) pagbabago sa mga proseso at sistema ng pamamahala sa pamamagitan ng teknolohiya; at 4) pagpapahusay ng mga kakayahan ng DILG at mga sangay na ahensya nito.
Samantala, binanggit ni DILG Undersecretary Marlo Iringan na ang kanilang panukalang badyet ay maglalaan ng P217.369-bilyon para sa Personnel Services, P31.156-bilyon para sa Maintenance at Other Operating Expenses, at P2.658-bilyon para sa Capital Outlay.
Binigyang-diin naman ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza ang kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao, at tinanong ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa pagsisikap nitong suportahan ito.
Tiniyak ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr., na dumalo sa obligadong seminar ang puwersa ng kapulisan, upang matiyak na mapangangalagaan din nila ang karapatang pantao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Sa kanyang bahagi, nagtanong si Senior Deputy Minority Leader Paul Ruiz Daza hinggil sa mga inisyatiba ng DILG na isulong ang kaluwagan ng pagnenegosyo sa mga LGU. Iniulat naman ni Iringan na ipinapatupad ng DILG ang mga interbensyon sa pagpapaunlad ng kapasidad, kabilang ang pagpapanaig ng mga sistema at proseso ng mga LGU, upang labanan ang red tape.
Nangako siya na magsusumite ang ahensya ng ulat sa Kongreso tungkol sa pagsunod ng mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan.
No comments:
Post a Comment