Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na idadaan pa rin ng gobyerno sa 'diplomatic way at legal means' ang pagtugon sa isyu kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang sagot ni Sec. Manalo sa deliberasyon ng kanilang proposed 2023 national budget sa Kamara.
Sinabi ni Secretary Manalo, malinaw ang naging polisiya ni Pang. Bongbong Marcos kaugnay sa claims ng Pilipinas sa West Philippine Sea na hindi nito hahayaan na may isang bahagi ng teritoryo ng bansa ang mawala o kaniyang isusuko.
Patuloy na ia-assert ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea partikular ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa kabila ng pagiging agresibo ng China.
Ipinunto ni Manalo na ipupursige din ng pamahalaan ang independent and principled foreign policy at ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagiging isang mabuting kaibigan sa lahat ng bansa at hindi isang kalaban.
Inihayag din ni Sec. Manalo na may mga pag-uusap na rin sila kasama ang China at nilinaw nito ang posisyon ng Pilipinas na kailanman hindi kilalanin ng Pilipinas ang historical claims ng Beijing lalo na ang 9 dash line.
Isusulong din ng Pilipinas ang 2016 arbitral ruling at ang UNCLOS decision laban sa China.
Gagawin nito ang lahat para protektahan ang soberenya ng bansa.
Samantala bukas din ang pamahalaan sa panibagong joint oil and gas exploration kasama ang China sa West Phl Sea.
Binigyang-diin ni Manalo, na hindi i-compromise ng Pilipinas ang legal claims nito sa West PH Sea sa pakikipag sundo sa posibleng energy exploration deal sa China.
No comments:
Post a Comment