Kagyat na tinapos ng Komite ng Appropriations na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL) ngayong Biyernes ang pagtalakay sa panukalang 2023 badyet ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Si Rep. Teodorico Haresco Jr. (2nd District, Aklan) ang pangunahing isponsor ng badyet ng DAR. Tinalakay ni Committee Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) ang mahalagang mandato ng DAR, at binanggit na, “when farmers have land, they can become more productive.”
Idinagdag ni Quimbo na ito ay makakapamahagi sa layunin ng bansa para makamit ang seguridad sa pagkain, mapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at magkaroon ng maayos na ekonomiya.
Sa kanyang presentasyon, inilatag ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang mga plano at kasalukuyang interbensyon ng DAR, upang suportahan ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARB).
Kabilang dito ang moratorium para sa pagbabayad ng amortization fees, at interes ng mga utang ng ARB, kondonasyon ng pagbabayad para sa land amortization fees, at suporta para sa proyekto ng Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT).
Iniulat din ni Estrella na ang DAR ay nakipag-partner sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng mga farm-to-market roads, kasama na ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magsagawa ng mga pagsasanay para sa ARBs, na naglalayong makakuha ng diversified sources ng kita.
Samantala, sinabi ni DAR Assistant Secretary for Finance Aurita Ang na bagamat ang orihinal na panukala ng DAR ay P26.47-bilyon, ang inaprubahang pondo sa 2023 National Expenditure Programs ay P15.85-bilyon lamang.
Matapos ang mabusising presentasyon na ginawa ng DAR, ay kagyat na tinapos ng lupon ang talakayan na walang isa man sa mga miyembro ang nag-interpellate. Nangako si Estrella na siya ay makikipag-ugnayan sa mga mambabatas sa anumang mga parokyal na usapin matapos ang briefing.
No comments:
Post a Comment