Nagsagawa ngayong Miyerkules ng pulong para sa pag-oorganisa ang Komite ng Dangerous Drugs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, at kanilang pinagtibay ang kanilang Rules of Procedure. Isa sa mga tampok sa pagpupulong ay ang pagpapatibay ng mga miyembro ng Komite sa House Joint Resolution No. 7, na naglalayong palawigin ang buhay ng Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs, na itinatag alinsunod sa Section 95 ng RA 9165, na naamyendahan, at mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iniakda ni Barbers, isinasaad sa HJR 7 na ang Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs ay mananatiling magmomonitor at titiyakin ang wastong implementasyon ng mga otorisadong drug testing, pagtatatag at operasyon ng drug treatment at rehabilitation centers, kabilang na ang joint anti-drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI).
Isinasaad rin dito na tinukoy ng oversight committee ang mga kahinaan sa batas sa droga, na nangangailangan ng masusing pagrerepaso sa mga polisiya / proseso ng mga nagpapatupad na ahensya, pakikipag-ugnayan sa hudikatura at kodipikasyon ng batas sa droga. Ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay isinabatas noong ika-7 ng Hunyo 2002 bilang Republic Act 9165, at nagkabisa noong ika-4 ng Hulyo 2002.
Isinasaad sa resolusyon na alinsunod sa Section 5 ng RA 9165, ang Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs ay itinatag matapos magkabisa ang batas, at kinabibilangan ng tag-pipitong miyembro mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado na pinamumunuan ng bawat Chairpersons ng Komite ng Dangerous Drugs at Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs. Isinasaad din sa resolusyon na ang Republic Act No. JR00004 ay isinabatas noong ika-30 ng Agosto 2012 at pinalalawig ang buhay ng oversight committee mula Hulyo 2012 hanggang Hulyo 2022.
Ilan sa mga tungkulin ng Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs ay tiyakin ang kalinawan at gawing rekisitos ang pagsusumite ng mga ulat mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, sa kanilang isinasagawang programa, proyekto at mga polisiya na may kaugnayan sa pagpapatupad ng naturang batas.
Samantala, sa idinaos na pagdinig, nagpahayag ng mga kaganapan ang mga opisyal ng PNP, PDEA at NBI sa Komite ng Dangerous Drugs hinggil sa kanilang nakamit na tagumpay sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga, mga plano at mga programa.
No comments:
Post a Comment