Wednesday, August 31, 2022

PANUKALANG BADYET NG DFA PARA SA 2023, TINALAKAY NG KAPULUNGAN

Tinalakay ngayong Miyerkules ng Komite ng Appropriations ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL) ang 2023 panukalang badyet ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagkakahalaga sa P20.304-bilyon. 


Ang panukalang badyet ng ahensya ay katumbas lamang ng 0.39 porsyento ng P5.268-trilyon pambansang badyet sa 2023. 


Mula sa halagang ito, P20.175-bilyon ang ilalaan sa DFA-Office of the Secretary, habang P128.793 milyon naman ang ilalaan sa mga kalakip na ahensya nito. 


Ang 2023 panukalang badyet ay mas mababa sa 2022 budget ng P 21.54 bilyon. Sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na ang pagkakaltas sa badyet nila ay makakaapekto sa kanilang operasyon. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Undersecretary Antonio Morales na kung tataasan ang 2023 badyet nito ay magiging matibay ang kakayahan ng DFA na mas mapagsilbihan ang mga Pilipino dito at sa ibang bansa, lalo na para sa 10-million-strong diaspora. Gayundin, magkakaroon ng kakayahan ang DFA na tumugon sa lumalaking pangangailangan sa mga panserbisyong konsulado. 


Dahil dito, humihiling ang DFA ng paborableng pagsasaalang-alang ng Tier 2 na mga panukala. Ito ay 1) maibalik ang mga binawas na badyet sa mga operasyong konsulado. 2) taasan ang badyet para sa suweldo ng mga lokal na empleyado upang matugunan ang mga aktwal na kinakailangan ng mga foreign service posts; 3) pagpapatakbo ng 20 temporary on-site passport services (TOPS); 4) madagdagan ang inaprubahang pondo para sa gusali sa fiscal year 2023; at 5) badyet para sa bagong tatag na office of civilian security (OCS). 


Pinangunahan ni Committee Senior Vice-Chairperson Rep. Stella Quimbo (2nd District, Marikina City) at Vice Chairman Rep. Joseph Gilbert Violago (2nd District, Nueva Ecija) ang pagdinig.

No comments:

Post a Comment