Wednesday, August 31, 2022

MGA PANUKALA HINGGIL SA APPRENTICESHIP AT DUAL TRAINING SYSTEM, PAGSAMA NG NATIONAL BUILDING CODE BILANG PANGUNAHING ASIGNATURA SA KURSO NG ENGINEERING, APRUBADO

Pinagsama-samang inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Higher at Technical Education ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City) ang dalawang panukala hinggil sa apprenticeship at dual training system. Ito ay ang House Bill 1665 na inihain ni Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City), at HB 2283 ni Rep. Eduardo Villanueva (Party-list, CIBAC). 


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Rodriguez na, “the State recognizes that apprenticeship, learnership, dual-tech training and other forms of industry-based training arrangements will certainly develop the skills of student-trainees in a world where technology is rapidly changing.” Aprubado din ang HB 1693 ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr. 


Ang panukalang batas ay magmamandato ng pagsasama ng National Building Code of the Philippines sa ilalim ng RA 6541, bilang pangunahing asignatura sa kurikulum ng Bachelor of Science degree programs sa Civil Engineering, Mechanical Engineering, Electrical Engineering, Sanitary Engineering, Electronics Engineering, at Arkitektura. 


Samantala, inaprubahan din ng komite ang HB 2351 kung saan ang San Isidro Satellite Campus ng Leyte Normal University na matatagpuan sa San Isidro, Leyte ay gagawing isang regular na campus. Ang panukalang batas ay inihain nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Rep. Yedda Marie Romualdez, at Rep. Jude Acidre (Party-list, TINGOG). 


Inaprubahan din ng Komite ang HB 2625, kung saan ang Floridablanca National Agricultural School sa Floridablanca, Pampanga ay gagawing isang attached campus ng Pampanga State Agricultural University sa Magalang, Pampanga. Ang panukalang batas ay inihain ni Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. 


Inaprubahan din ang pinagsamang HB 2167 ni Rep. Jose Teves Jr. (Party-list, TGP) at HB 3893 ni Rep. Eulogio Rodriguez (Lone District, Catanduanes). 


Ang mga nasabing panukala ay ilalagay sa pangangasiwa ng Technical Education and Skills Development Authority ang Cabugao School of Handicraft and Cottage Industries na nasa Bato, Catanduanes. Ito ay makikilala bilang Catanduanes Polytechnic Skills Development Institute. Inaprubahan din ang Ulat ng Komite para sa mga panukala.

No comments:

Post a Comment