Nagsagawa ng briefing ngayong Miyerkules ang Komite ng North Luzon Growth Quadrangle, na pinamumunuan ni Rep. Angelo Marcos Barba (2nd District, Ilocos Norte) kasama ang Department of Agriculture (DA), at ang mga kalakip nitong ahensya hinggil sa katayuan ng kanilang mga natatanging programa sa 2022, gayundin ang kanilang mga plano at programa para sa Fiscal Year 2023, sa mga rehiyon ng Hilagang Luzon.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Barba ang pangangailangan na magbigay suporta sa mga magsasaka at mangingisda, na walang sawang nagtatrabaho upang magbigay ng mga produkto sa kanilang mga kapwa Pilipino, kahit ang kanilang kinikita ay mas mababa pa sa minimum.
Aniya, ang Komite ay hindi lamang tututukan na mapabuti ang mga lupang pang-agrikultura sa bansa, kungdi pati na rin sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga magsasaka. “It is high time for us to help our farmers, sustain them, and give them the support they need,” aniya.
Iniulat ni DA Undersecretary Engr. Zamzamin Ampatuan na agarang nagbigay ng suporta ang DA sa mga magsasaka, na kamakailan ay naapektuhan ng lindol. Habang ang mga biktima ay nakatanggap na ng P3.5-milyong halaga ng agrikultural na suplay, ang DA Disaster Risk Reduction and Management Service ay magbibigay din ng karagdagang suporta, na aabot sa P127.5-milyon.
Pinakinggan din ng mga mambabatas ang mga regional directors ng DA sa Hilagang Luzon, na binalangkas ang mga nagawa ng ahensya, tulad ng paggawa ng mga bagong farm-to-market roads (FMRs), at mga network ng irigasyon; pagsasagawa ng mga pagsasanay at pananaliksik para sa pag-unlad; at pagbibigay ng mga makinarya, kagamitan, at pasilidad sa agrikultura sa mga lokal na magsasaka.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Rep. Luisa Lloren Cuaresma (Lone District, Nueva Vizcaya), na ilang rehiyon na may malaking kontribusyon sa seguridad sa pagkain ng bansa, ay patuloy pa rin na tumatanggap ng mababang pondo para sa mga FMRs.
Ipinag-diinan din ni Rep. Joseph Lara (3rd District, Cagayan), na ang dapat na paglalaan ng badyet para sa mga FMRs ay batay sa datos. Inihayag ni Ampatuan na nagsimula na ang DA sa paggawa ng mas malinaw na mga parameter, upang matiyak ang mas pantay na alokasyon sa lahat ng rehiyon, gaya ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang iba pang opisyales na kasama sa pagpupulong ay mula sa National Irrigation Administration, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Food Authority, National Tobacco Administration, Agricultural Credit Policy Council, at National Dairy Authority.
No comments:
Post a Comment