Tinapos na ngayong Martes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagpupulong sa mga pangunahing plano at programa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa taong 2023, gayundin ang pinakamagandang bahagi ng kanilang operasyon at usaping pinansiyal.
Sa nasabing pagpupulong, binati ni Co ang PAGCOR sa pagpapanatili ng reputasyon nito bilang isa sa mga nangungunang tagapagtaguyod sa mga GOCC.
“Your remittances will surely aid the delivery of critical government services to our kababayans both here and abroad," ani Co.
Sinabi naman ni Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ng Komite ng Appropriations, na bagaman hindi tumatanggap ng suporta sa badyet ang PAGCOR mula sa pamahalaan, ang pagpupulong ay isinagawa dahil sa tungkulin ng ahensyang magbigay ng pondo sa iba't ibang programa ng pamahalaan.
Ayon kay Quimbo, ang ahensya ay may mandato na pamahalaan ang industriya ng pasugalan, magbigay ng pondo sa mga programang sosyo-sibiko at pagpapaunlad ng pamahalaan, gayundin ang tumulong sa pagsulong ng industriya ng turismo.
Ang pagpupulong ay bahagi ng pagsusuri sa P5.268-trilyong panukalang pambansang badyet para sa piskal na taong 2023.
Ang mga opisyal ng PAGCOR na dumalo sa pagdinig ay pinangunahan ng bagong Chairman at Chief Executive Officer ng ahensya na si Alejandro Tengco.
Para sa 2023, umaasa ang PAGCOR na makalikom ng tinatayang pondong P55.898 bilyon, habang ang aktwal na kita nito noong 2021 sa kabila ng pandemyang dulot ng COVID-19 ay pumalo sa P35.5 bilyon. Tinatayang kikita ito ng P55 bilyon ngayong 2022.
Ang kabuuang kontribusyon nito sa iba't ibang mga proyekto at programa sa pagbuo ng bansa noong 2021 ay umabot sa P22.9 bilyon, at inaasahang aabot sa P35.5 bilyon ngayong taon. Para sa 2023, inaasahan namang aabot ang mga kontribusyon nito ng mas mataas sa P37.65 bilyon.
Para sa 2021, nagbigay ito ng P7.71 bilyon sa Universal Health Care Program batay sa RA 11223. Naglaan din ang PAGCOR ng P3.5 bilyon sa kasalukuyan, para sa pagtatayo ng Multi-Purpose Evacuation Centers sa 77 lugar sa buong bansa.
Bukod sa pamamahagi ng emergency relief packs sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad, nagbibigay din ang ahensya ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga nasawi.
No comments:
Post a Comment