Thursday, September 1, 2022

PANUKALANG 2023 BADYET NG DOE AT ERC, SINURI NG MGA MAMBABATAS

Sinuri ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL) ang panukalang 2023 badyet ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC), sa pagdinig na ginawa sa Kapulungan ng mga Kinatawan. 


Ang panukalang badyet ng DOE sa 2023 na iprinisinta ni OIC Director Michael Sinocruz ng DOE ay P2.22-bilyon. 


Mula sa halagang ito, humigit-kumulang P1.12-bilyon ang ilalaan para sa maintenance and other operating expenses (MOOE), habang P735-milyon naman ang mapupunta sa personnel services (PS). Samantala, humigit-kumulang P358-milyon ang ilalaan para sa capital outlay (CO). Ang 2023 budget ay mas mataas ng 1.5 percent kumpara sa P2.19-bilyon na nakalaan ngayong taon. 


Samantala, sinabi ni ERC Chairman Monalisa Dimalanta na ang panukalang budget ng ERC para sa 2023 ay P1.03-bilyon. Sa halagang ito, P347-milyon ang ilalaan sa personnel services (PS); P611.9-milyon sa maintenance and other operating expenses (MOOE); at P78.4-milyon para sa capital outlay (CO). 


Tinalakay din niya ang kanilang mga pangunahing target para sa 2023. Kabilang dito ang pagpapatibay ng isang balangkas sa regulasyon para sa mga bagong teknolohiya, upang suportahan ang seguridad ng enerhiya; pagsuporta sa paghahanap para sa seguridad ng enerhiya; at pinakamababang gastos sa pagpepresyo tungo sa pagiging abot-kaya, at iba pa. 


Pinangunahan ni Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, Vice Chair at Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella at Vice Chair at AKO BICOL Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon ang pagdinig.

No comments:

Post a Comment