Pinagtibay ngayong Miyerkules sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang House Resolution 317, na bumabati kay Ernest John "EJ" Uy Obiena, ang Pilipinong pole vaulter, na nagwagi ng mga gintong medalya sa 26th Internationales Stabhochsprung-Meeting at True Athletes Classics 2022. Sinimulan ni Obiena ang kanyang seven-meet streak sa pagtala ng 5.81 meters sa Internationales Stabhochsprung-Meeting.
Samantala, nagwagi rin siya sa True Athletes Classics 2022 matapos siyang magtala ng 5.81 meters. Naabot rin ni Obiena ang pamantayan upang maging kwalipikado sa 2023 World Athletics Championships na gaganapin sa Budapest, Hungary, sa resolusyong pinagsama-sama ng HRs 103, 105, 123, 131, 138, 147, 297 at 246. Ito ay iniakda nina Speaker Romualdez, Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos at TINGOG Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Gayundin, hinirang ng Kapulungan ang mga karagdagang chairpersons ng mga Espesyal na Komite.
Si Rep. Luisa Lloren Cuaresma (Lone district, Nueva Vizcaya) ay nahalal bilang Chairperson ng Espesyal na Komite ng Seguridad sa Pagkain, samantalang si Rep. Francisco Jose Matugas II (1st District, Surigao del Norte) ay nahirang naman bilang Chairperson ng Espesyal na Komite ng Land Use.
Samantala, sa kanyang privilege speech, pormal na nanawagan si SENIOR CITIZENS Partylist Rep. Rodolfo Ordanes ng isang imbestigasyon, sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) hinggil sa kanilang mga aktibidad.
Inanyayahan niya rin si NCSC Chairman Franklin Quijano na magpaliwanag hinggil sa mga usapin ng Komisyon.
Binatikos ni Ordanes ang mabagal na paglilipat ng mga tungkulin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), tungo sa NCSC matapos na maisabatas ang RA 11350, o ang "National Commission of Senior Citizens Act," noong 2019. Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan ni Deputy Speaker Isidro Ungab.
No comments:
Post a Comment