Wednesday, August 31, 2022

MAS MAAYOS NA PAGGAMIT NG PONDO NG DOT, TINIYAK NI TOURISM SECRETARY FRASCO SA KAPULUNGAN

Nagdaos ngayong Miyerkules ng p agdinig ang Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co, hinggil sa P3.573-bilyon na panukalang badyet ng Kagwaran ng Turismo (DOT) para sa piskal na taong 2023, na mas mataas sa badyet ngayong taon na P2.5-bilyon. Binigyang-katwiran ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco ang panukalang badyet na tutulong sa DOT na maisakatuparan ang pitong puntong adyenda nito na: 1) pagpapabuti ng imprastraktura ng turismo at kaginhawahan sa pag-akses; 2) magkakaugnay at komprehensibong digitalisasyon at pagkakaugnay; 3) pagpapahusay ng pangkalahatang karanasan ng mga turista; 4) pagkakapantay-pantay ng pagpapaunlad at promosyon ng produkto ng turismo; 5) sari-saring uri ng portfolio sa pamamagitan ng multidimensional na turismo; 6) sulitin ang lokal na turismo; at 7) pagpapalakas ng pamamahala sa turismo, sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga nagsusulong.  Ibinahagi ng pamilya ng DOT ang magandang balita, na nakaranas ng 3.8 porsiyentong pagtaas noong 2021 ang industriya ng turismo. 


Bukod dito, mula nang magbukas ng pinto ang bansa sa pandaigdigang turismo noong Pebrero 2022, tinanggap nito ang 1,352,904 milyong manlalakbay, hanggang ika-28 ng Agosto 2022. Ito ay mas mataas kaysa sa 163,879 dumating na mga turista, na naitala sa buong 2021. 


Sa kaniyang interpelasyon, sinabi ni Manila Rep. Edward Vera-Perez Maceda na ang P3.573 bilyong panukalang badyet ay hindi sapat upang ipatupad ang lahat ng programa ng DOT para sa susunod na taon. 


Habang suportado niya ang panukalang badyet ng DOT, nagpahayag si Maceda ng pag-asa na magiging mas mahusay ang paggamit ng pondo ng DOT, at sinambit niya na noong nakaraang administrasyon, ang paggamit ng pondo ng DOT ay nasa 34 porsiyento lamang. 


Kinumpirma ni Frasco na nito lamang ika-30 ng Hunyo 2022, 34 porsiyento lamang ng pondo nito ang nagamit ng DOT. “So immediately, we coordinated with the operating units of the department to require them to submit catch up plans to ensure that the utilization rate will vastly improve, with the goal of course of having a 100 percent utilization, if not that, at least a 90 percent utilization. We will ensure the full maximization of the funds that have been made available to us within this year,” ani Frasco.

No comments:

Post a Comment