Nagdaos ngayong Miyerkules ng pulong para sa pag-oorganisa ang Komite ng Metro Manila Development sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Rolando Valeriano (2nd District, Manila), at kagyat na inaprubahan ang Rules of Procedure ng Komite.
Inilatag ni Valeriano ang mga tungkulin ng lupon na kanilang kakaharapin sa ika-19 na Kongreso, ito ay ang: 1) development planning para sa Metro Manila; 2) pagsusuri ng mga umiiral na proyekto; 3) pamamahala ng transportasyon at trapiko; 4) pamamahala at disposal ng solid waste; 5) pagkontrol sa baha at pamamahala sa mga imburnal; 6) zoning at land use planning; at 7) pagtitiyak sa pampublikong kaligtasan.
Iginiit niya ang pangangailangan sa matibay na pakikipagtulungan sa pagitan ng Kongreso at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, upang matugunan ang mga umiiral na usapin na nararanasan ng lahat ng distrito sa rehiyon.
Matapos nito, ay nagsagawa ng briefing ang mga may kaugnayang ahensya, sa kanilang mga plano at programa para sa Metro Manila.
Sa pamamagitan ng audio-visual presentation, iniulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na patuloy nilang pinauunlad ang kanilang intelligent transport systems (ITS), upang maiayos ang pagiging episyente ng MMDA sa pagganap nila sa kanilang mandato.
Dagdag pa rito, pinamamahalaan din ng MMDA ang operasyon sa mga pasilidad ng pagkontrol sa baha, pumping stations, kabilang na ang pagmamantine ng daluyan ng tubig, upang mabawasan ang matinding pagbaha sa National Capital Region. Isinusulong naman ni Rep. Jose Arturo Garcia Jr. (3rd District, Rizal) ang pag-aayos ng mga umiiral na pumping stations at parusahan ang mga nagkakalat ng basura sa mga kanal.
Samantala, hinimok nina Reps. Roman Romulo (Lone District, Pasig City) at Edward Vera Perez Maceda (4th District, Manila) ang mga ahensya na magkortesiya na regular na ipaalam sa mga kinatawan ng mga distrito ang mga kaganapan sa kanilang mga plano at proyekto.
Sinabi ni Maceda na makakatulong ang mga mambabatas upang maging kapaki-pakinabang ang mga pagsisikap na ito sa kanilang mga nasasakupan.
Nangako naman sina MMDA Chairman Carlo Dimayuga III, Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Department of Interior and Local Government Undersecretary Marlo Iringan, gayundin ang opisyal ng Department of Health, Philippine National Police, at Commission on Higher Education, na makikipagtulungan sila sa Kongreso at mga mambabatas, upang iulat ang kani-kanilang mga inisyatiba.
No comments:
Post a Comment