Tuesday, August 23, 2022

PANUKALANG INTERNET TRANSACTIONS ACT, PASADO NA SA KOMITE SA KAMARA

Pasado na sa House Committee on Trade and Industry ang panukalang “Internet Transactions Act.”


Sa pagdinig ng komite ngayong Miyerkules, inaprubahan ang “consolidated” House Bills at committee report ng panukala, na nagsusulong ng proteksyon at matiyak ang “data privacy” ng mga consumer at merchants/sellers na nakikipag-transaksyon sa pamamagitan ng internet.


Sa 19th Congress, aabot sa 12 ang House Bills para sa panukalang Internet Transactions Act. Kabilang dito ang inihain nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.


Ayon kay Rep. Mario Vittorio Mariño, na siyang chairman ng Trade and Industry Panel ng Kamara, mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang nagsulong ng panukala sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA.


Maalalang kasama pa ang panukala sa mga “top legislative agenda” ng presidente, na nagsabing mabuting ma-regulate ang e-commerce activities, para matiyak ang proteksyon ng publiko na gumagamit ng online transactions.


Noong 18th Congress, naaprubahan na ng Kamara ang kaparehong panukala sa ikatlo at huling pagbasa. At dahil sa Rule 10, section 48, napabilis ang pag-apruba ng komite sa panukala ngayong 19th Congress.


Kapag naging ganap na batas, magkakaroon ng Electronic o E-Commerce Bureau na magpapatupad ng regulasyon upang maiwasan ang anumang uri ng panloloko, kasabay ng pagpapataas ng mga nagtitiwala sa paggamit ng internet sa transaksyon.


Ang E-Commerce Bureau ay ipapasailalim sa Department of Trade and Industry o DTI, habang ang mamumuno rito ay itatalaga ng presidente.

No comments:

Post a Comment