Naghain si AGAP PL Rep. Nicanor Briones ng isang panukalang batas na nagsusulong na magkaroon ng “Agricultural Calamity Indemnification Fund Program” at mapondohan ito.
Sa kanyang House Bill 3138, sinabi ni Briones na sa ilalim ng programa ay bubuo ng “special calamity cash indemnity fund” o sa madaling salita ay pondo para sa bayad-pinsala, upang makatulong sa mga magsasaka, mangingisda at katulad na naapektuhan ng mga natural na sakuna, kalamidad, paglaganap ng mga sakit o epidemya.
Layon din nito na mahimok sila na bumangon mula sa alinmang nabanggit na suliranin, at matiyak ang produksyon at supply ng mga pagkain.
Kapag naging ganap na batas, ang Department of Agriculture ang bibigyang-mandato na mamahagi ng tulong sa mabilis at episyenteng paraan. Ang halaga naman ay cash indemnity ay depende sa halaga ng nawala o pinsala at hindi bababa ng 50% ng production cost.
Sinabi ni Briones na sa mga nakalipas na taon, ang agricultural output ng bansa ay pataas-pababa.
At karaniwang dahilan ng pagbaba ay bunsod ng mga bagyo, pagbaha, tagtuyot, pagsulpot ng mga peste, pagputok ng bulkan at iba pa.
Kaya naman ang mga magsasaka at mangingisda ay labis na kawawa kapag natatamaan ang kanilang mga pinapagurang produkto o kabuhayan.
Ayon kay Briones, mayroon namang mga insurance program ang pamahalaan ngunit kulang ang kaalaman dito ng mga tao, masyadong mahaba ang proseso o kaya naman ay takot ang mga tao na magbayad ng premiums.
Pero naniniwala si Briones na sa pamamagitan ng Agricultural Calamity Indemnification Fund, mas maraming sa sektor ng agrikultura ang magbebenepisyo.
No comments:
Post a Comment