Nagbigay ng briefing ngayong Biyernes sina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno sa Komite ng Appropriations ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL) hinggil sa panukalang P5.268-trilyon pambansang badyet para sa Fiscal Year 2023.
Sinabi ni Pangandaman na ang panukalang pambansang badyet ay nakasalalay sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pang-ekonomiyang pagbabago na magtutulak ng mga programa, upang bigyang kapangyarihan ang mga Pilipino, tiyakin ang seguridad sa pagkain, gayundin ang pagtatayo ng mas magagandang imprastraktura.
Bilang pangunahing prayoridad ng pamahalaan, ang Social Services ay tatanggap ng pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng P2.07-trilyon, o 39.3 porsyento, habang ang Economic Services ay tatanggap ng P1.528-trilyon, o 29.3 porsyento ng badyet.
Gayundin, ang mga gastusin sa pagpapatakbo ay hahatiin sa mga sumusunod: 1. Personal Services; 31 porsiyento o P1.631-trilyon, 2. Capital Outlays; 18.6 porsiyento o P980.3-bilyon, (tumaas ng 0.3% YOY), 3. Allocation to Local Government Units; 18.3 percent o P962.20-billion at, 4) Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE); 16.6 porsyento o P195.8-billion.
Samantala, tinalakay ni Diokno ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya, mga piskal na kaganapan sa at mga ginagawang pangungutang, pangkalahatang-ideya ng medium-term fiscal program, gayundin ang mga legislative priorities ng DOF.
Tiniyak niya sa Kapulungan na ang panukalang badyet ay magpapalakas sa hangarin ng bansa para sa isang malakas na pagbawi, at pinabilis na paglago ng ekonomiya.
Pinasalamatan niya ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagpasa ng "game-changing economic reforms" ng nakalipas na ika-18 Kongreso.
Aniya, ang mga batas ng reporma sa buwis na ipinatupad ng Kapulungan ay nakatulong sa pagbabago ng Pilipinas, sa isa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa rehiyon.
Siniyasat naman ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang inilaan na P1.60-trilyon na 2023 NEP para sa debt servicing, kung saan P582.32 bilyon ang para sa pagbabayad ng interes o may pagtaas ng 13.2 porsiyento mula sa 2022 na halaga.
Tinanong niya kung posible bang ibahin ito sa iba pang mga programa at proyekto ng gobyerno, tulad ng mga social protection program tulad ng 4Ps, upang madagdagan ang cash grant na ibinibigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
No comments:
Post a Comment