Monday, August 22, 2022

ORGANIZATIONAL MEETING NG ESPESYAL NA KOMITE SA KAPAYAPAAN, PAGKAKASUNDO AT PAGKAKAISA, IDINAOS

Nagsagawa ngayong Lunes ang House Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity na pinamumunuan ni Rep. Shernee Tan-Tambut, KUSUG TAUSUG Party-List, ng organisasyonal na pagpupulong, at inaprubahan ang Internal Rules and Procedures ng lupon. 


Sinabi ni Tambut na lumahok ang Komite sa iba't ibang negosasyong pangkapayapaan, nagkaroon ng malaking papel sa pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law sa ika-17 Kongreso, gayundin sa Bangsamoro Organic Law (BOL), o R.A. 11054 sa ika-18 Kongreso noong siya ay committee vice chair. 


Nakatulong din ito sa pagsasabatas ng R.A. 11593, at inayos ang regular na halalan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 2025 noong Ika-18 Kongreso, aniya. 


Ayon kay Tambut, ang mga tungkulin ng Komite ay nakaangkla sa tatlong prinsipyo ng komprehensibong proseso ng kapayapaan: 1) ito ay dapat na nakabatay sa komunidad, na sumasalamin sa mga damdamin, pagpapahalaga, at prinsipyong mahalaga sa lahat ng Pilipino; 2) layunin nitong bumuo ng isang panlipunang kasunduan para sa isang makatarungan, patas at makataong pluralistikong lipunan; at, 3) naghahangad ito ng maprinsipyong paglutas sa mga panloob na armadong tunggalian. 


Sinabi ni Tambut na ang Komite ay patuloy na mangangasiwa sa mga pag-unlad sa proseso ng kapayapaan para sa kanilang operasyon. Nag briefing sa lupon si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. hinggil sa Comprehensive Philippine peace process situationer ng OPAPRU. 


Sa pagbuo ng tiwala, binanggit ni Galvez ang pagpapalabas ng Executive Order No.125 sa paglikha ng National Amnesty Commission, at Proclamation Nos. 1090, 1091, 1092 at 1093 na inisyu ni dating Pangulong Duterte, na nagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ( MILF), Moro National liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at Communist Terrorist Groups (CTGs) na nakagawa ng krimen dahil sa pagpupursige ng kanilang pulitikal na paniniwala. 


“Without peace, there is no development, and without development, there is no sustainable peace,” ani Galvez.

No comments:

Post a Comment