Lusot na sa House Committee on Justice ang panukalang modernisasyon ng Bureau of Immigration.
Sa pagdinig ng komite, inaprubahan ang House Bills “subject to consolidation” kung saan ituturing na main bill ay ang House Bill 127 ni Committee on Justice Chairperson Juliet Ferrer.
Layon ng panukala na mapalakas pa ang BI sa pamamagitan ng reorganisasyon at gawing mas propesyunal ang kagawaran, i-upgrade ang sistema nito at taasan ang sweldo at kompensasyon ng mga kawani. Aamyendahan nito ang higit 80-taong Philippine Immigration Act of 1940.
Kabilang naman sa iba pang may-akda ng panukala sa Kamara ay sina House Minority Leader Marcelino Libanan at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, na kapwa nagsilbing Commissioner ng BI noon.
Ang kaparehong panukala para sa BI Modernization ay nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara noong 18th Congress. Kaya nagmosyon si Rodriguez na gamitin na ang Rule 10, section 48 ng Kapulungan para sa mabilis ng pagpasa ng panukala.
Katwiran naman kay Ferrer, ang panukalang batas ay sumailalim na sa matindi at mahabang deliberasyon sa mga nakalipas na Kongreso.
Sa panig ng Bureau of Immigration, sinabi ni BI OIC Rogelio Gevero na suportado nila ang panukalang modernisasyon ng kagawaran upang makapaghatid sila ng “world-class” na serbisyo, at magampanan pa ang mandato lalo’t sa ngayon ay hindi umano sapat ang bilang ng kanilang pwersa para ipatupad ang Immigration laws.
Higit sa lahat, kapag naging batas ang panukala ay mas matutukan uamno ang pagbabantay sa borders laban sa “undesirable aliens” at pagbibigay proteksyon sa ating mga kababayan na maging biktima ng human at drug trafficking, illegal recruitment, prostitusyon at iba pa.
No comments:
Post a Comment