Thursday, August 25, 2022

PANUNTUNAN SA PAGPAPALIT NG PANGALAN SA MGA LANSANGAN AT PAMPUBLIKONG ISTRAKTURA, TINALAKAY NG KOMITE NG PUBLIC WORKS AT HIGHWAYS

Nagdaos ng pagpupulong para sap ag-oorganisa ngayong Miyerkules ang Komite ng Public Works at Highways ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo at pinagtibay nito ang Rules of Procedure para sa ika-19 na Kongreso. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Momo na ang Komite ay may hurisdiksyon sa lahat ng mga bagay na direkta at pangunahin na may kaugnayan sa pagpaplano, pagtatayo, pagpapanatili, pagpapabuti, at pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastraktura kasama ang mga gusali, highway, tulay, kalsada, parke, dambana, monumento at iba pang pampublikong edipisyo ng makasaysayang interes, pagpapatapon ng tubig, at kontrol at proteksyon ng baha; mga kagamitan sa tubig; at paggamit ng tubig ng pampublikong pag-aari. 


Nagpahayag siya ng pag-asa na ang Public-Private Partnership (PPP) Rationalization Bill, na ipinasa ng Komite ng Public Works and Highways noong ika-18 Kongreso at isa sa mga prayoridad n panukala ng administrasyong Marcos, ay maipasa na ngayong ika-19 na Kongreso. 


Matappos nito ay nagsagawa ng briefing ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways sa pangunguna ni Secretary Manel Bonoan at National Historical Commission of the Philippines Supervising History Researcher Ian Christopher Alfonso, sa mga kinakailangan ng kani-kanilang ahensya kaugnay ng mga panukalang batas sa: 1) pagbabago sa lansangan at paglikha, pag-uuri, o muling pag-uuri ng mga opisina ng inhinyero ng distrito; at 2) ang kanilang binagong mga alituntunin sa pagpapangalan at pagpapalit ng pangalan ng mga kalye, pampublikong paaralan, liwasan, gusali, tulay, at iba pang pampublikong istraktura. 


Tinukoy ni DPWH Assistant Secretary for Planning Constante Llanes Jr. ang road conversion bilang “the process of changing the organization who is responsible for funding the operation and maintenance, or has ownership of the road.” 


Aniya, ang dalawang paraan para sa road conversion ay: 1) prosesong administratibo kung saan inaprubahan ng DPWH Secretary ang isang Department Order sa hinihiling na road conversion; at 2) prosesong lehislatura. 


Samantala, ipinaliwanag ni Alfonso na ang mga pampublikong istraktura ay maaaring pangalanan o palitan ng pangalan ng: 1) Pangulo sa pamamagitan ng isang proklamasyon, 2) Kongreso, sa pamamagitan ng batas para sa mga makabuluhang lugar sa bansa, at 3) mga lokal na pamahalaan, alinsunod sa itinatadhana ng LGU Code of 1991.

No comments:

Post a Comment