Thursday, August 25, 2022

PAGPAPALAWIG NG SAKOP SA ANTI-BULLYING LAW, IPINANUKALA SA KAMARA

Ipinapanukala ni House Assistant Majority Leader Margarita “Migs” Nograles na palawigin ang sakop ng RA 10627 o Anti-Bullying Law.


Sa inihain nitong House Bill 2886 o Stop Bullying Act of 2022, papatawan na ng criminal at civil liability ang mambu-bully.


Palalawigin na rin ang sakop nito sa workspaces at internet anoman ang edad at kasarian.


Paliwanag ni Nograles, maituturing nang outdated at hindi epektibo ang batas dahil sa kawalan ng penal provision o kaparusahan para tuluyang pigilan ang bullying.


Punto pa ng PBA Party-list solon, sa kabila ng Anti-Bullying Law, ay hind ibumaba ang insidente nito.


Katunayan 6 sa 10 estudyante ang nabu-bully, tatlong beses na mas mataas kumpara sa datos ng developed countries.


Papatawan ng criminal at civil liability ang mga mapapatunayang nam-bully na kabilang sa age of majority o yung mahigit 21 taong gulang na.


Maaaring patawan ng kasong sibil at sumailalim sa intervention ang mga lalabag na edad labinlima o mas bata ngunit below 18 years old kung nagkasala nang walang discernment o hindi alam ang ginagawa.


Habang para sa mga mapapatunayang may discernment, ay maaaring maharap sa criminal at civil liability bukod sa pagsasailalim sa intervention program.


Ang mga maituturing na children in conflict with the law na lalabag ay isasailalim sa center-based o community-based rehabilitation program ngunit kung hindi magtitino ay maaaring ituloy ang sintensya oras na mag 21 years old na.


Nakapaloob sa panukala ang pagpapataw ng kulong na anim na taon o mas mababa, multa o parehas na parusa. Para naman sa civil liability, maaaring pagbayari ng P50,000 hanggang P100,000 na danyos sibil ang mapapatunayang nam-bully.

No comments:

Post a Comment