Monday, August 22, 2022

KAPANGYARIHANG OVERSIGHT PARA BUSISIIN ANG ERC, SUPORTADO NG MAMBABATAS; AMYENDA SA EPIRA, ISINUSULONG

Dahil na rin sa mga nararanasang hirap ng mga mamamayang Pilipino sa sobrang mahal na singil sa kuryente, nanawagan ngayong Lunes si Rep. Dan Fernandez (Lone District, Santa Rosa City) sa kanyang privilege speech sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa oversight at busisiin ang Energy Regulatory Commission (ERC). Binanggit niya ang Section 23 ng Republic Act 9136, o ang “Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001,” na siyang nagtatag ng ERC at siyang nangangasiwa ng mga distribution utilities upang mag-suplay ng kuryente “in the least cost manner.” 


Ipinaliwanag ni Fernandez na mayroong tatlong power loads sa utilities na kayang mag “blend” batay sa paggamit ng kuryente ng mga konsyumer sa bawa’t oras, tulad ng: 1) baseload, na pinakamurang uri; 2) peaking, ang pinakamahal subalit tumutugon sa mga pagbabago ng pangangailangan; at 3) mid-merit, na siya namang maaaring pumuno sa mga puwang. 


Ngunit, kinuwestyon niya ang ERC na kasalukuyang hindi sumusunod sa rekomendadong mixture ng 79 porsyento, 10 porsyento, at 11 porsyento, ayon sa pagkakasunod. 


Idinagdag ni Fernandez na ang ERC ay hindi pa rin naisasaayos ang weighted average cost of capital (WACC) simula pa noong 2009, na siyang dahilan ng mataas na halaga ng kuryente. 


Dahil dito ay hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na magtulungan upang maayendahan ang EPIRA, at tugunan ang mga usaping ito. 


Sinabi ni Senior Deputy Minority Leader and Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza na noong 2019, siya ay pinangakuan na aaksyunan ng ERC ang petisyon na magbabawas ng mga nararanasang mga brownout sa Rehiyon 8, subalit wala aniyang ginawa ang nasabing ahensya. 


Samantala, sumang-ayon naman si Special Committee on Nuclear Energy chairman at Pangasinan Rep. Mark Cojuangco kay Fernandez na dapat na ngang repasuhin ang “Electric Power Industry Reform Act of. 2001” at amyendahan ang mga probisiyon nito. 


Kanyang iminungkahi na pag-aralan ang mga makabagong kakayahan ng teknolohiya na makapagbibigay ng murang kuryente.

No comments:

Post a Comment