Monday, August 22, 2022

DAGDAG PENSIYON PARA SA MGA SENIOR CITIZEN, GAGAWAN NG PARAAN NG KAMARA UPANG MAPONDOHAN

Gagawa umano ng paraan ang mga mambabatas upang mapondohan ang batas para sa dagdag-pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.


Ito ang tiniyak ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Stella Quimbo, kasunod ng pahayag ng Department of Budget and Management o DBM na hindi kasama sa 2023 National Expenditure Program o NEP ang kinakailangang P25 billion para sa naturang pension hike.


Sa Ugnayan sa Batasan media forum, sinabi ni Quimbo na nag-lapse bilang batas ang dagdag-pensyon para sa senior citizens  o Republic Act 11916noong July 13, 2022 o panahong nililimbag na ang mga libro ng NEP.


Ito aniya ang totoong dahilan kung bakit hindi nakasama ang alokasyon para sa batas, sa ilalim ng NEP. Base naman sa Konstitusyon, ang “budget ceiling” ay hindi uubrang mabago.


Ngunit iginiit ni Quimbo na ang batas na ito ay isa sa mga kailangan talagang mapondohan lalo’t inaasahan ito ng mga lola’t lolo na benepisyaryo.


Isa sa mga binanggit ni Quimbo na paraan, maghahanap ng mga programa na maaaring bawasan ng budget, o kaya’y mga ahensya na mababa ang “utilization rates.”


Aniya, abangan na lamang sa mga susunod na linggo na pag-arangkada ng budget hearings kung ano ang magiging desisyon para rito.

No comments:

Post a Comment