Ang mga Government Owned and Controlled Corporation o GOCCs ang maaaring paghugutan ng pondo para sa implementasyon ng dagdag-pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.
Ito ang pinalutang ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, kasunod na rin ng pahayag ng Department of Budget and Management o DBM na hindi kasama sa panukalang 2023 National Budget ang kinakailangang P25 billion na karagdagang pondo para sa pension hike ng mga nakatatanda.
Ayon kay Pimentel, kaya ng mga GOCC na pondohan ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11916, kung saan itaas na sa P1,000 ang buwanang pensyon ng mga benepisyaryo mula sa P500.
Sinabi ng kongresista na tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, kaya inaasahang tataas na rin ang kita at cash dividends ng mga GOCC.
Dagdag niya, maaaring i-compel o atasan ng Malakanyang ang mga GOCC na magbayad ng mas mataas na dividend rate na hanggang 75%, alinsunod sa Republic Act 7656.
Sa nakalap na impormasyon ng mambabatas, noong 2021 pa lamang ay aabot sa P57.55 billion ang na-remit na cash dividends ng GOCC.
Nagbabala naman si Pimentel na kung hindi maglalaan ang pamahalaan ng pondo para sa dagdag-pensyon ng senior citizens, baka tumaas ang insidente ng kagutuman at magresulta ng iba pang problema sa hanay ng mga nakatatanda.
Kabilang sa tinukoy ni Pimentel na mga GOCC ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Deposit Insurance Corp., PAGCOR, PCSO, Manila International Airport Authority at iba pa.
No comments:
Post a Comment