Nagsagawa ngayong Miyerkules ang Komite ng Kalusugan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Ciriaco Gato Jr. (Lone District, Batanes), ang kanilang pulong sa pag-oorganisa kung saan ay inaprubahan ng mga mambabatas ang Rules of Procedure ng Komite. Matapos nito ay inilatag ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga mambabatas ang mga prayoridad nilang mga panukala at programa. Sa kanyang pambungad, binigyang-diin ni Gato ang kahalagahan ng kalusugan, at ito ay ang ubod ng pag-unlad ng ekonomiya at katatagan ng pulitika. Sinabi din niya na ang pandemya ay isang wake-up call, upang palakasin ang kapasidad ng bansa na maging epektibo at mahusay na matugunan ang mga pampublikong kagipitan sa kalusugan. Nangako si Gato na tutulong ang Komite sa mabilis na pagpasa ng ilang mga hakbang na may kaugnayan sa kalusugan, kabilang ang panukalang “Virology Institute of the Philippines (VIP) Act”, gayundin ang modernisasyon ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan. Tiniyak ni DOH OIC Secretary Maria Rosario Vergeire na tinututukan ng DOH ang mga pagsisikap nitong makapagbigay ng dekalidad, bukas, at pantay na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino. Samantala, binanggit ni DOH Undersecretary Kenneth Ronquillo na gagamitin ng DOH ang P195.63-bilyong panukalang badyet nito sa 2023 para sa mga sumusunod: 1) operasyon ng 79 DOH hospitals; 2) Health Facilities Enhancement Program (HFEP); 3) medikal na ayuda sa mga mahihirap at financially-incapacitated patients; 4) National Health Workforce Support System; at 5) pag-iwas at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit at non-communicable diseases, at iba pa. Habang lumuluwag ang mga paghihigpit sa kalusugan, sinabi ni Vergeire sa mga mambabatas na dapat itulak pa ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga kwalipikadong Pilipino, kabilang ang mga mag-aaral na unti-unting bumabalik sa face-to-face classes. Nang matanong tungkol sa panukalang VIP Act, sinabi ni Vergeire na ito ay magbibigay daan para sa Pilipinas na gumawa ng sarili nitong mga bakuna. Sa kanyang bahagi, ipinahayag ni PhilHealth OIC President at CEO Eli Dino Santos, na inaangat nila ang mga pagsusumikap sa digitalisasyon, upang magkaroon ng mas mahusay na storage at scalability, makipagtulungan sa mga malalayong user, at makamit ang mataas na kalidad. Idinagdag niya na ang PhilHealth ay lilikha rin ng surge team, upang tumutok sa pagbuo at paglulunsad ng mga benepisyo ng Universal Health Care, bubuo ng pinag-isang master list sa Philippine Statistics Authority upang mapadali ang awtomatikong eligibility at i-digitize ang mga proseso ng paniningil, para sa ibayong kahusayan. Tiniyak ni Santos na layunin ng PhilHealth na magkaloob ng health insurance coverage at matiyak ang abot-kaya at agaran na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
No comments:
Post a Comment