Wednesday, September 7, 2022

COMMITTEE ON APPROPRIATIONS, TINAPOS NA ANG PAGDINIG SA PANUKALANG 2023 BADYET NG DOJ

Tinapos na ngayong Miyerkules sa hybrid na pagpupulong ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa 2023 panukalang badyet ng Department of Justice (DOJ) at mga sangay na ahensya at nasasakupan nito. 


Sa kanyang pambungad na pahayag, pinasalamatan ni Co ang DOJ sa pangunguna ni Secretary Crispin Remulla, sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng kanilang badyet. Pinuri niya ang pagpapalabas ng DOJ Circular No.-027 na lumilikha sa Prosecution Integrity Board, upang tingnan ang mga maling pag-uugali ng mga tagausig ng pamahalaan, at magrekomenda ng kaukulang mga parusa laban sa kanila, kung kinakailangan. 


Gayundin, pinapurihan ni Co ang ahensya sa paglikha ng Case Decongestion Task Force, gayundin ang pagpapatupad ng Electronic/Online Inquest, isang alternatibo ng paunang imbestigasyon na isinagawa ng kagawaran dahil sa mga hamon dulot ng COVID-19. 


Binanggit din niya ang matatag na paninindigan ng departamento laban sa online na pagsasamantalang sekswal, karahasan na nakabatay sa kasarian at mga paglabag sa karapatan ng bata, sa pamamagitan ng pagpapanatili nila sa Tier 1 na antas nito sa United States 2022 Trafficking in Persons Report sa loob ng pitong taon. 


“We look forward to all the plans and programs of the department to ensure justice is served to the public efficiently and appropriately,” ani Co. 


Tiniyak niya sa ahensya na susuportahan ng Kapulungan sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pamilya ng DOJ na makamit ang lahat ng mga plano at programang ito para sa taong 2023. 


Nagpahayag naman ng buong suporta si Committee on Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa DOJ, at sinabi na ang papel ng DOJ ay mahalaga sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa. “A predictable justice system equates to a stable business environment,” aniya. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni DOJ Undersecretary Brigido Dulay na sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), humigit-kumulang na P26.6-bilyon ang inirekomendang badyet para sa DOJ at mga sangay na ahensya nito. Mas mataas ito sa 2022 General Appropriations na P25.24-bilyon. 


Ang 2023 panukalang badyet ay 0.51 porsiyento ng kabuuang pambansang badyet na P5.26-trilyon. Iniulat din ni Dulay ang mga naisagawa at naisakatuparan ng DOJ noong 2021 at mga sangay na ahensya nito. 


Tinapos na ng Komite ang pagdinig sa badyet ng ahensya bilang paggalang kay Remulla, na dating senior deputy majority leader ng Kapulungan nong ika-18 Kongreso. 


Sa kanyang manipestasyon, ipinahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na susuportahan niya ang mayorya sa mosyon ngunit may reserbasyon, na makapagtatanong ang mga mambabatas ng Kapulungan at kasapi ng Komite sa deliberasyon sa plenaryo sa panukalang badyet ng DOJ.

No comments:

Post a Comment