Thursday, September 8, 2022

MOTU PROPIO NA PAGDINIG SA SO 4 HINGGIL SA PAG-ANGKAT NG ASUKAL TINAPOS NG MAGKASANIB NA KOMITE

Tinapos na ngayong Huwebes ng magkasanib na Komite ng Good Government at Public Accountability na pinamumunuan ni Rep. Florida “Rida” Robes” (Lone District, San Jose Del Monte City), at ng Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Rep. Wilfrido Mark Enverga (1st District, Quezon), ang motu proprio na pagdinig sa Order No. 4 ng Sugar Regulatory Administration, para sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal. 


Ito ay batay sa House Resolution 259 na inihain ni Minority Leader Marcelino Libanan, na nananawagan din para ng imbestigasyon sa SO 4, at ang tangkang pag-angkat ng asukal. Sa kanyang pambungad na pananalita, binanggit ni Robes ang mga makabuluhang natuklasan sa takbo ng imbestigasyon, kabilang ang katotohanan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Kalihim din ng Agrikultura, ay hindi naman talaga nagpatawag ng SRA Board para maglabas ng SO 4. 


Idiniin din niya na ang Executive Order No. 18, s. 1986, na nagtatag ng SRA, at Republic Act No. 10659, o ang “Sugarcane Industry Development Act (SIDA),” ay parehong tahasang walang nakalagay na probisyon na nagsasabing ang pag-aangkat ang pangunahing solusyon sa panahon ng kakapusan. 


Ito ay sinang-ayunan ni Enverga at sinabing "importation is only an option, not a priority." Idinagdag niya na maaaring kailanganin na palawakin ang SRA Board, upang matiyak na ang lahat ng nagsusulong sa sektor ng asukal ay may kinatawan. 


Para kay Rep. Rodante Marcoleta (Party-list, SAGIP), ipinahayag niya ang kanyang panawagan na imbitahan si Executive Secretary Vic Rodriguez, at sinabi na hindi tamang pag-usapan ang kanyang pagkakasangkot sa usapin kapag hindi niya kayang ipagtanggol ang sarili sa harap ng mga mambabatas. 


Aniya ang pangalan ni Rodriguez ay binanggit sa isang affidavit na inihain ni dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica, hinggil sa online na pagpupulong kina Pangulong Marcos Jr. at Rodriguez, kung saan inulit ang tagubilin sa pag-angkat ng asukal. 


Matapos ang magkasanib na imbestigasyon, tiniyak nina Robes at Enverga na patuloy na titingnan ng dalawang lupon ang pagsunod ng SRA sa mga mandato nito sa ilalim ng 1987 Saligang Batas, EO 18, at SIDA Law, gayundin ang mga ulat sa umano'y pagpupuslit at liligal na pag-iimbak ng asukal sa buong bansa, sa susunod na nakatakdang pagdinig.

No comments:

Post a Comment