Thursday, September 8, 2022

PAGDINIG SA P25.89-B PANUKALANG BADYET NG DOLE, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co, ang pagtalakay sa panukalang badyet ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga sangay na ahensya nito na nagkakahalaga ng P25.89-bilyon para sa piskal na taong 2023. 


Ang ipinanukalang badyet sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) ay mas mababa kaysa sa kasalukuyang taong 2022 GAA badyet na P36.9-bilyon, na may pagbaba ng P11.04-bilyon o 29.9 porsyento.  


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Co na inalatag sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang sosyo-ekonomikong adyenda ng kanyang administrasyon, adyenda tungo sa kaunlaran at pagbabago ng ekonomiya.  


“The core of raising the productive capacity of our economy intersects with developing and harnessing human resources”, ani Co.  


Binigyang-diin niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng DOLE sa pagpapatupad ng mga polisiya na nagtataguyod ng yamang tao, pag-unlad, trabaho at empleyo, pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa at mga tagapag-empleyo, pagpapanatili ng kapayapaan sa industriya at produktibong pamamahala sa paggawa, relasyon at proteksyong panlipunan.  


“As we deliberate on the department’s proposed budget for fiscal year 2023, let us examine the Secretary’s perspective on labor and employment and plans of action to implement programs that contribute to the attainment of the socio-economic agenda of this administration,” aniya.  


Sa kanyang presentasyon, tinalakay ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang konteksto, mandato, at papel ng kanilang ahensya sa sosyo-ekonomikong adyenda, estratehikong prayoridad, mga pangunahing mga nagawa noong Hulyo 2022, gayundin ang kanilang mga layunin. 


Sina Deputy Speaker Democrito Mendoza, Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Aklan Rep. Teodorico Haresco, Jr. at Quezon Rep. David Suarez, ang kabilang sa mga nagpahayag ng kanilang suporta na dagdagan o taasan ang binawasang badyet ng DOLE. 


Si Suarez, na siyang pangunahing mag-iisponsor ng badyet ng DOLE sa mga debate sa plenaryo, ang namuno sa pagdinig.

No comments:

Post a Comment