Tuesday, September 6, 2022

TALAMAK NA CALL AT TEXT SPAM AT SCAM SA CELFON, PINAAKSIYUNAN SA KONGRESO

Pinatutugunan ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado sa Kongreso at sa gobyerno ang nakaka-alarma at talamak na “call/text spam at scams” sa ating bansa.


Kwento ni Bordado, isa siya sa maraming nabiktima ng naturang scam.


Aniya, mayroon umanong nag-message sa kanya at nagpakilalang “kongresista” (Rep. Leo Rodriguez) na nangailangan daw ng pera para sa isang “convention” sa farmer leaders.


Ayon kay Bordado, nalagay siya sa alanganin dahil nagpakilalang mambabatas ang nag-text, kaya nagtanong na lamang siya kung papaano magpapadala ng assistance, at ang tugon ng kanyang kausap ay magpadala na lamang sa pamamagitan ng “GCash.”


Sinabi ni Bordado na nagpadala siya ng P10,000 sa naturang tao. Pero kamakailan ay nakausap niya ang aktwal na kongresista, na nagsabing wala raw siyang hinihinging pera.


Sa hiwalay na insidente, sinabi ni Bordado na may isang mensahe mula sa nagpakilala ring kongresista na humihingi ng P70,000. Pero dahil hindi kilala ni Bordado at may duda siya, hindi niya ito pinatulan.


Giit ni Bordado, kahit sino ay maaaring mabiktima ng panloloko kaya sana ay umaksyon ang Kongreso at kaukulang ahensya ng pamahalaan sa isyu na ito sa lalong madaling panahon dahil nalalapit na rin ang Pasko.


Kinakabahan aniya ang ilang mambabatas na baka lalong tumindi ang mga panloloko, at dumami pa ang mga biktima sa holiday season.


May mga resolusyon naman na sa Kamara na nagpapa-imbestiga na sa nagsusulputang text spam at scams.

No comments:

Post a Comment