Tinapos na ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P3.951-bilyong panukalang badyet ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at mga sangay nitong ahensya para sa piskal na taong 2023.
Sinabi ni Co sa kanyang pambungad na mensahe, na ang tungkulin ng pamahalaan ay tiyakin ang mga regulasyon, programa, at proyekto ng abot-kayang pabahay, lalo na para sa mga mahihirap na mamamayan at mga walang tirahan.
“Let us examine these performances and decide to move forward to create new policies and creating projects that focus on addressing the cycle of homelessness in the Philippines,” aniya.
Hiniling ni DHUSD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa Komite ng Appropriations na isaalang-alang na muli ang P36-bilyong pagpopondo ng subsidy, sa interes ng pabahay para sa "Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino: Zero Informal Settler Families (ISF) Program for 2028."
Aniya, nilalayon ng departamento na gumawa ng isang "makabagong diskarte" sa pagtugon sa 6.5 milyong akumulado na pabahay sa pamamagitan ng nasabing proyekto.
Nilalayon ng DHUSD na makapagpatayo ng isang milyong bahay bawat taon, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Sinabi rin niya na natukoy na nila ang mga lugar kung saan ilulunsad ang unang isang milyong yunit ng pabahay.
Tinanong naman ni Senior Deputy Minority Leader Paul Ruiz Daza ang mga opisyal ng DHUSD kung paano makakalahok ang pribadong sektor sa panukalang programa ng pamahalaan.
Ayon kay Acuzar, inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at hingin ang kanilang tulong sa pagtukoy ng mga benepisyaryo.
Ipinabatid din niya sa Komite na bumubuo na sila ng one-stop shop, upang mapabilis ang kanilang mga programa sa pabahay at mabawasan ang bureaucratic red tape sa pagkuha ng mga permiso at mga lisensya.
Nagpahayag naman ng kanilang papuri at suporta ang ilang mambabatas sa Zero-ISF (ISF) Program para sa 2028.
Pinamunuan din ni Appropriations Committee Vice-Chairperson at Navotas City Rep. Tobias Reynald Tiangco ang pagpupulong.
No comments:
Post a Comment