Tinapos ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulunagn ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang pagbalangkas ng 2023 panukalang badyet na P15.2-bilyon para sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW), na idinaos sa pamamagitan ng hybrid na pulong.
Sa kanyang presentasyon, sinabi ni DMW Undersecretary for Finance at Internal Affairs Maria Anthonette Velasco-Allones na maglalaan ng halagang P15.2-bilyon para sa kagawaran. Sa naturang halaga, ang Office of the Secretary (OSEC) ay makakatanggap ng badyet na P3.5-bilyon.
Mula sa halagang ito, P1.3-bilyon ang ilalaan sa personnel services (PS); P2.1-bilyon para sa maintenance and other operating expenses (MOOE), at P50-milyon para sa capital outlay.
Samantala, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay makakatanggap ng P11.7-bilyon. Ang halagang P 797-milyonay ilalaan sa PS; P0.9-bilyon para sa MOOE at zero sa CO. Tinalakay ni Allones ang maikling deskripsyon ng DMW.
Ayon sa kanya, ang pangunahing mandato ng kagawaran alinsunod sa Republic Act 11641, o ang Department of Migrant Workers Act, ay protektahan ang mga karapatan at isulong ng mga kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
“We are tasked to formulate, plan, coordinate, promote, administer and implement the various policies and undertake systems for us to be able to regulate, manage and monitor overseas employment and the reintegration of migrant workers,” aniya sa lupon.
Gayundin ay naatasan sila na isulong ang kapangyarihan at proteksyon ng mga migrant workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasanayan sa mga OFWs, upang sila ay magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan upang matiyak ang kanilang akses sa patuloy na pagsasanay at pagpapaunlad ng karunungan.
Sa idinaos na interpelasyon, tinanong ni Gabriela Rep. Arlene Brosas kung ilang migrant workers office (MWO) ang bubuksan ng DMW sa ilalim ng 2023 badyet.
Sinagot ni Allones na sa 2023, ay pananatiliin nila ang 40 overseas offices na tinatawag na Philippine Overseas Labor Office (POLO), at tatawaging MWO sa ilalim ng Department of Migrant Workers Act.
“For the next years, 2024 and onwards, we are closely coordinating with the Department of Foreign Affairs (DFA) along with the review of the density of OFW in other countries,” sagot ni Allones.
Pinangunahan ni Committee on Appropriations Vice Chairman David Suarez (2nd District, Quezon) ang pagdinig.
No comments:
Post a Comment