Tuesday, September 6, 2022

MGA PANUKALANG MULING INIHAIN PARA SA REHISTRASYON NG SIM CARD, APRUBADO SA KOMITE; TWG PARA SA MGA PANUKALANG E-GOVERNANCE AT E-GOV’T, NILIKHA

Pinagsama-sama at inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Information and Communications Technology sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Tobias Reynald Tiangco (Lone District, Navotas City), ang mga panukalang batas kabilang na ang Ulat ng Komite sa panukalang SIM Card Registration Act. 


Ang mga kahalintulad na panukala ay ang HBs 14, 59, 794, 841, 951, 2113, 2478, 2923, 3299 at 3327 sa SIM Card Registration Act; HBs 116 at 1528, sa regulasyon ng pagbebenta ng pre-paid SIM cards; at HBs 506 at 2819, na naglalayong sugpuin ang mga kriminal na aktibidad gamit ang mobile phone, internet, at mga electronic communication, sa pamamagitan ng pagrerehistro ng SIM card at rehistrasyon ng mga social media account. 


Nagpasya ang Komite na gawing pangunahing panukalang batas ang HB 14 dahil ito ang kopya ng panukala na nasa ikatlong pagbasa na, nang ito ay pinawalang bisa ni dating Pangulong Duterte. Ang HB 14 ay iniakda nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. 


Nilikha rin ng Komite ang Technical Working Group (TWG) para pagsama-samahin ang mga panukalang E-Government at E-Governance. Sinabi ni Tiangco na ang mga ito ay dalawang prayoridad sa lehislasyon na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA). 


Ang mga inihaing panukala sa E-Government Act ay HBs 277, 2683, 2731, 2963, 3421 at 2568, samantalang ang panukala naman sa E-Governance Act ay HBs 3, 1809, 2902, 2978, 3563 at 3612. 


Nagpasya rin ang Komite na isama ang isang kinatawan mula sa Tanggapan ng Pangulo (OP) at Anti-Red Tape Authority (ARTA), bilang mga miyembro ng TWG na pagsasamahin ang dalawang panukala.

No comments:

Post a Comment