Wednesday, September 7, 2022

KOMITE ON LABOR AND EMPLOYMENT, IPINAGPALIBAN ANG PASYA SA ULAT NG KOMITE, TECHNICAL INPUTS NG DOLE HINIHINTAY NA ISUMITE

Ipinagpaliban ngayong Miyerkules ng Komite ng Labor at Employment ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Juan Fidel Felipe Nograles (4th District, Rizal) ang pagpasya sa mga Ulat ng Komite ng walong mga panukalang batas, matapos hilingin ni Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma na bigyan ang kanyang ahensya ng halos dalawang linggo na ma-isumite ang teknikal input nito sa ilang mga panukala na may mga usapin. 


Ang mga Ulat ng Komite ay nasa panukalang: 1) Freelance Workers Protection Act; 2) Enterprise Productivity Act; 3) The Barangay Skilled Workers Registry Act; 4) Increasing the Service Incentive Leave Act; 5) Eddie Garcia Act; 6) Media Workers Welfare Act; 7) Caregivers Welfare Act; at 8 ) Na nagdedeklara sa San Jose Del Monte, Bulacan bilang Human Resource Capital. 


“I move that we defer action on these bills and we wait for the submission by Secretary Laguesma of their position paper within two weeks,” hirit ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City), na sinegundahan ng mga miyembro ng Komite. 


Bago ang kanyang mosyon, tinanong ni Go si Laguesma kung may partikular na panukalang batas na nais nilang bigyan ng komento sa oras ng pagdinig, dahil ang Komite ay hindi makapaghintay ng isa o dalawang buwan para lang sa pagsusumite ng kanilang mga input. 


Bukod pa dito, sinabi ni Go na maraming beses nang pinag-usapan ng mga mambabatas ang mga nasabing panukala sa nakaraang Kongreso. 


Hiniling ni Laguesma na bigyan sila ng maikling panahon para isumite ang kanilang mga teknikal na input. 


“Pakiusap lang po na bigyan kami ng maikling panahon. Gusto lang po naming i-align sa socio-economic agenda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Meron po kasi kaming nakikita dito na may implikasyon sa ating maliliit na pagawaan. 


“If it’s not too much asking your committee and the members of the committee, na bigyan lang po kami ng maikling panahon, hindi naman po siguro aabutin ng ilang buwan dahil gusto lang po naming pasadahan at magkaroon kami ng karagdagan na inputs po para sa inyong konsiderasyon,” ani Laguesma. 


Sinabi naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na meron dahilan ang kahilingan ni Laguesma dahil hindi sila ang mga opisyal ng DOLE noong tinalakay ang mga panukalang batas. 


Sinabi pa ni Laguesma na bilang tagapagpatupad ng mga batas na ipinasa ng Kongreso, itinuring niyang mahalaga para sa DOLE na mag-ambag ng mga teknikal na input nito sa mga nakabinbing panukala. Sinabi ni Laguesma hindi nila gusto na ang ilang mga panukala na ipinasa ng Kongreso sa kalaunan ay hindi naisabatas dahil sa mga usapin na dapat ay mas maagang natugunan.


“Yun po ang nakikita namin na mahalagang dapat mag provide po tayo ng inputs dahil tayo po ang aatasan ng Kongreso na magpatupad anuman ang batas na naipasa,” aniya.

No comments:

Post a Comment