Lumikha ng dalawang technical working group (TWGs) ngayong Martes ang Komite ng Local Government sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Rex Gatchalian (1st District, Valenzuela City), upang pagtugmain ang mga magkakatulad na panukalang batas. Ang unang TWG ay pamumunuan ni Rep. Steve Chiongbian Solon (Lone District, Sarangani) at pinagsama-sama ang House Bills 313, 427, 1000, 3396 at 3538, na naglalayong palitan ang kabiserang bayan ng mga lalawigan, na walang component city, independent component cities o highly urbanized cities na nasa loob ng kanilang nasasakupang hurisdiksyon, at gawing isang component city. Ang mga ito ay inihain nina Reps Eric Go Yap, Carlito Marquez, Rosemarie Panotes, Wilter Palma, at Paul Ruiz Daza, ayon sa pagkakasunod. Sa kanyang paliwanag sa HB 313, sinabi ni Yap na ang pagpapalit ay magbibigay hakbang para sa isang lalawigan, sa pamamagitan ng alokasyon ng nararapat na revenue allotment, ay magbubukas ng malawak na oportunidad para sa lalawigan. Ito rin ay magbibigay ng lubos na pagkilala sa puso ng bawat lalawigan --- ang kabisera nito, ayon kay Yap. Sinabi ni Gatchalian na ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 29 na lalawigan na walang anumang lungsod. Samantala, ang ikalawang TWG na pamumunuan ni Maria Angela Garcia (2nd District, Bataan) ay pagsasama-samahin ang 39 na panukala, na nauukol sa mga karapatan, allowances, at benepisyo ng mga barangay health worker (BHWs). Sa kanyang paliwanag sa HB 67, sinabi ni Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, Ph.D., isa sa mga naghain ng panukala hinggil sa BHW, na ang kanyang panukala ay hindi lamang magbibigay ng kaukulang pagkilala sa mga mahahalagang serbisyo na ibinibigay ng mga BHWs, ngunit hihikayat rin ito ng mas maraming manggagawa para maglingkod bilang BHW.
No comments:
Post a Comment