Tuesday, September 6, 2022

PAGTAPYAS NG PONDO NG MGA SPECIALTY HOSPITAL SA 2023 NATIONAL BUDGET, BINATIKOS SA KAMARA

Apat na “specialty hospitals” ng gobyerno sa Quezon City ang nakatikim ng tapyas-pondo, sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program o NEP.


Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto, kabilang sa 4 na government specialty hospitals ay ang National Kidney and Transplant Institute o NKTI, na may pinaka-malaking tapyas na aabot sa P362 million, o mula P1.5 billion ngayong 2022 ay magiging P1.15 billion ang budget sa susunod na taon.


Tinukoy din ng mambabatas ang Lung Center of the Philippines na nasa P630.2 million ang alokasyon para sa susunod na taon, na mas mababa kumpara sa P684 million ngayong 2022.


Kasama rin sa may tapyas-pondo ay ang Philippine Heart Center, na ang alokasyon ay bumagsak sa P1.76 billion para sa 2023, mula sa P1.88 billion ngayong taon.


At isa pa ang Philippine Children’s Medical Center, na mayroong budget-cut na P344 million, o mula P1.5 billion ngayong 2022 ay aabot sa P1.15 billion ang pondo para sa 2023.


Banat tuloy ni Recto, ang mga nagrekumenda ng bawas-pondo para sa 4 na ospital ay maaaring natutulog noong unang SONA ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung saan kanyang pinuri pa ang mga nabanggit na pagamutan at nais na gayahin para sa mga rehiyon.


Giit ni Recto, kung tutuusin ay dapat pa ngang palawakin at pagbutihin ang mga ospital ng pamahalaan, lalo’t dumadami ang mga pasyente kada taon.


Sa kabila nito, sinabi ni Recto na maaaring ibalik ng Kongreso ang natapyas na budget, gaya ng ginagawa noong mga nakalipas na taon.

No comments:

Post a Comment