Nagsagawa ngayong Miyerkules ng unang pagpupulong ang kabubuo pa lamang na Special Committee on Nuclear Energy sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Mark Conjuangco, upang talakayin ang kapaki-pakinabang na paggamit ng enerhiyang nukleyar para sa mura, malinis, at maaasahang kuryente. Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Cojuangco na ang krisis sa gasolina ang naging rurok ng pangangailangan para sa isang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. "I look foward to really, in this committee, bringing out the truth of nuclear energy to our public so that they can know what they have been missing on as far as an alternative energy source is concerned," aniya. Gayunpaman, sinabi rin niya na ang paglikha ng regulatory commission na hiwalay sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) ay dapat munang maisabatas. "Right now, the regulation and the promotion of nuclear energy and nuclear technology lies with one body and that's a conflict of interest, and so that is not an acceptable practice in the international community," paliwanag ni Cojuangco. Kabilang sa iba pang mga bagay na nilayon ng Komite na talakayin ay ang: 1) pagtukoy sa papel ng nukleyar sa hinaharap ng enerhiya ng bansa; 2) pagpopondo ng plantang nukleyar; 3) basurang nukleyar’; 4) pagtalakay sa mga bilateral na kasunduan sa Estados Unidos, partikular sa 123 na kasunduan sa kanilang 1954 Atomic Energy Act; at 5) ang pangangailangan para sa isang bilateral na kasunduan sa U.S. na magkakategorya sa bansa na isang bansang katanggap-tanggap sa pangkalahatan para sa teknolohiyang nukleyar. Hiniling din ni Cojuangco sa Epesyal na Komite na mag-apruba ng Resolusyon ng Kapulungan na humihimok sa administrasyon, at Senado na kumilos nang mabilis sa pagtalakay sa nasabing mga bilateral na kasunduan. Nagpahayag naman ng kanyang intensyon si dating Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) Manager Atty. Antonio Corpuz na tulungan ang Komite bilang isang dalubhasa. Aniya, kailangan din baguhin o ayusin ang 40 taong gulang na plantang nukleyar para matugunan ang mga bagong pangangailangan. Samantala, ipinaalam ni PNRI Director Dr. Carlos Arcilla sa Komite ang mga siyentipikong aspeto ng plantang nukleyar, at hinimok silang amyendahan ang Republic Act 5207 o ang "Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968.
No comments:
Post a Comment