Friday, September 9, 2022

PAGDINIG SA P5.2B PANUKALANG BADYET NG COMELEC, TINAPOS NA NG KAPULUNGAN

Tinapos na ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P5.22-bilyong panukalang badyet ng Commission on Elections (COMELEC), para sa Piskal na Taong 2023. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, binanggit ni Co na hawak ng COMELEC ang 82-porsiyentong trust rating matapos ang 2022 National and Local Elections. 


“The commission remained steadfast in its role as the sole authority and defender of the universal right to suffrage,” aniya, kabilang din ang positibong numero ng mga bumoto noong Mayo. 


Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng panukala ng COMELEC ay ang pagtatayo ng sarili nitong gusali para sa kanilang pangunahing tanggapan sa Pasay City.  


Iniulat naman ni COMELEC Chairman Erwin George Garcia na gumagastos ang pamahalaan ng P169.79-milyon taun-taon para sa gusali na kasalukuyang inuupahan ng komisyon. 


Ang pondong kinakailangan para sa konstruksyon ay aabot sa P9.33-bilyon, gaya ng nakasaad sa presentasyon ng badyet ng COMELEC. 


Sina Cavite Rep. Ramon Jolo Revilla III at Albay Rep. Edcel Lagman ang kabilang sa mga mambabatas na nagpakita ng suporta sa panukalang proyekto.  


Hinggil naman sa automated election system (AES), tiniyak ni Garcia na lahat ng mga usapin na lumutang sa mga nakaraang halalan, ay isasaalang-alang nila at tutugunan bago ang halalan sa 2025. 


Samantala, ilang mambabatas ang nagpahayag ng kanilang suporta para sa hybrid vote-counting system, kung saan ang mga balota ay manu-manong bibilangin sa mga presinto ngunit ipapadala sa elektronikong pamaraan sa Board of Canvassers. 


Habang ang sistemang hybrid ay magkakahalaga ng higit sa isang ganap na computerized system, iginiit ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma na dapat unahin ang pagprotekta sa tiwala ng mga tao at integridad ng halalan. 


Pinuri naman ni ACT TEACHERS Rep. France Castro ang COMELEC sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga miyembro ng electoral lboard, kung saan karamihan sa kanila ay mga guro, sa pamamagitan ng pagtulak sa paglalaan ng karagdagang pondo para sa kanilang honoraria. 


Matapos ang pagdinig, nakahanda ng dinggin ang panukalang badyet ng COMELEC para sa deliberasyon nito sa plenaryo.

No comments:

Post a Comment