Thursday, September 8, 2022

PANUKALANG MAGNA CARTA PARA SA MGA FILIPINO SEAFARERS, TINALAKAY

Tinalakay ngayong Huwebes ng Komite ng Overseas Workers Affairs ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Ron Salo (Party-list, KABAYAN) ang siyam na mga panukala na nagtatag ng Magna Carta for Filipino Seafarers.


Ito ay ang House Bills 368, 379, 736, 1515, 1647, 1758, 2269, 2287, at 3953. Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Salo na ang mga katulad na panukala ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa nakalipas na tatlong Kongreso. 


“In this 19th Congress, we hope to see the enactment of these proposed measures into law for the benefit of the hundreds of thousands of Filipino seafarers,” aniya. 


Sinabi ni Salo na ang panukalang batas ay naglalayong protektahan ang mga karapatan, at itaguyod ang kapakanan ng mga marinong Pilipino, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo, gayundin ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga may-ari ng barko at mga recruitment agencies. 


Kapag naisabatas, ito ay makakatulong sa pagpapabuti ng mga kondisyon sa pagtatrabaho at pang-ekonomiyang kagalingan ng mga marino. 


Aniya makakaasa din siya sa suporta mula sa Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople, sa agarang pagpasa nito. 


Ayon kay Salo, ang inaprubahang bersyon sa ika-18 Kongreso ay nakapaloob ang mga sumusunod na karapatan ng mga marino: 1) karapatan sa makatarungang kondisyon sa trabaho; 2) karapatan sa pag-oorganisa par sa pakikipagkasundo sa collective bargaining at makalahok sa mga demokratikong proseso; at 3) karapatan kaunlarang propesyunal at pagsasanay, at iba pa. 


Ang  naturang panukala ay suportado Department of Foreign Affairs (DFA), National Labor Relations Commission (NLRC), Filipino Association of Mariner's Employment (FAME), Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), Associated Marine Officers ' at Seamen's Union of the Philippines (AMOSUP), at Philippine Coast Guard (PCG). 


Gayunpaman, ipinagpaliban ni Salo ang pagpasa nito, at sinabing kailangan pa rin ang mga karagdagang input mula sa iba pang kinauukulang ahensya, para maayos ang panukalang batas. 


Samantala, tinalakay ng Komite ang House Resolution 93, na nananawagan para siyasatin ang pagpapatupad ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan sa mga programa na naglalayong protektahan ang mga karapatan at itaguyod ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs). 


Si Rep. Marissa “Del Mar” Magsino (Party-list, OFW), na naghain ng HR 93, ay humiling sa mga kinauukulang ahensya na isumite ang kanilang mga position papers para tumulong sa imbestigasyon ng Komite.

No comments:

Post a Comment