Sunday, September 4, 2022

PRICE CAP SA PASAHE SA EROPLANO PARA SA LOCAL AT DOMESTIC NA RUTA, IMINUNGKAHI

Humihirit si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson sa pamahalaan na magkaroon ng pansamantalang “price cap” sa air fares o pasahe sa eroplano para sa “local o domestic” na mga ruta.


Ito ay nakasaad sa kanyang House Resolution 307, kung saan hinihimok din ni Singson ang kaukulang komite ng Kamara na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa umano’y nakaka-alarmang pagtaas sa presyo ng air fares na kinokolekta ng iba’t ibang airline companies.


Katwiran ni Singson, ang price cap ay para sa proteksyon ng mga pasahero, gayundin ng airline companies.


Binanggit ng mambabatas na batay sa mga datos, ang local air travel bookings ay tumaas lalo’t maraming local destinations ang nagluwag na ng COVID-19 restrictions at nagbukas ng borders.


Pero, may mga reklamo at ulat aniya na may mga airline company na sinasamantala ang sitwasyon, at ang mataas na halaga ng langis sa kasalukuyan ay ipinapasa sa mga commuter sa pamamagitan ng taas-pasahe sa eroplano.


Ayon kay Singson, batid naman ng lahat na ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa tensyon ng Russia at Ukraine, at pandemya. 


Ngunit, masyadong kwestyonable aniya kung bakit ang airline companies ay masyadong mataas maningil ng pasahe sa mga biyahero partikular sa mga kilalang destinasyon sa bansa gaya ng Boracay, Cebu, Bohol, Siargao at Palawan, kumpara sa mga probinsya o destinasyon.


Babala ng kongresista, maaaring bumagsak ang “air travel demand” kung mananatiling mataas ang air fares, at kinalauna’y makakaapekto sa aviation sector at industriya ng turismo.


Giit ni Singson, kailangang masilip ng Kongreso kung bakit pinayagan ng Civil Aeronautics Board o CAB na maningil ng labis ng mga airline company, habang makapaglatag din ang mga mambabatas ng kinakailangang lehislasyon upang maprotektahan ang publiko habang binabalanse ang interes ng mga pasahero at mga kumpanya.

No comments:

Post a Comment