Tuesday, September 6, 2022

PANUKALANG BATAS NA LILIKHA SA TRIPARTITE COUNCIL UPANG PAGTUUNAN ANG PAGKAKASALUNGAT NG MGA KASANAYAN SA TRABAHO, INAPRUBAHAN NG KOMITE

Inaprubahan ng Komite ng Higher and Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go, batay sa istilo at mga susog, ang House Bill 979 na lilikha ng tripartite council, upang tugunan ang pagkakasalungat ng mga kasanayan sa trabaho, kawalan ng trabaho, at kakulangan ng trabaho sa bansa. 


Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, sinabi ni Go, ang may-akda, na ang tripartite council ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, akademya, at sektor ng industriya. Ang tripartite council ay bubuo ng mga polisiya at mga kaugnay na programa partikular sa hindi pagkakatugma ng mga kasanayan sa trabaho. 


“Creating a multi-sectoral council will allow educational institutions a better understanding of the labor market,” ani Go sa Komite.  


Ipinaliwanag ni Go na tutulong ang tripartite council na matukoy kung saan ang mga trabaho, at kung anong mga kasanayan at kakayahan ang kinakailangan upang punan ang mga bakanteng posisyon. 


Inaprubahan din sa hybrid na pagdinig ang HB 885 ni 1-PACMAN Rep. Michael Romero; HB 991 ni Go at HB 661 ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez. 


Ang panukalang batas ni Romero ay magbibigay ng karagdagang pagpopondo para sa pag-unlad, magsusulong ng mga programa na magbibigay ng kurso sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon matapos ang sekondarya, at magsusulong ng mga pagbabago at iba pang kahalintulad na mga programa para sa pagsulong ng pagtuturo. 


Layunin nitong amyendahan ang Republic Act (RA) 7722, o ang Higher Education Act of 1994. Samantala, ang HB 991 at HB 1662 ay magpapatibay sa charter ng Commission on Higher Education. 


Pinagsama-sama ang mga panukalang batas sa HB 991, kung saan ito ang pangunahing panukala. Ibinigay din ng Komite and kanilang pinag-isang pag-apruba sa HB 45 ni Northern Samar Rep. Paul Daza, HB 442 ni Mountain Province Rep. Maximo Dalog, Jr.; at HB 730 ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang. 


Ang mga panukala ay magtatatag ng mga tanggapang panlalawigan sa Northern Samar; Mountain Province; at Kalinga, ayon sa pagkakabanggit.

No comments:

Post a Comment