Umaapela ang Department of Health o DOH sa Kongreso na mataasan ang pondo para sa mga benepisyo at allowances ng mga health care workers, makaraang makatikim ng “budget reduction” sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.
Sa meeting ng House Committee on Health ngayong Miyerkules, nagtanong si Quezon Rep. Keith Micah Tan sa DOH kung ano-anong mga programa ang nagkaroon ng budget-reduction o kaltas-pondo at ano-ano ang mga rason.
Inamin ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire na mayroon silang listahan ng mga programa na nagkaroon ng kakulangan sa ilalim ng panukalang pambasang pondo.
At ang talagang panawagan ng kagawaran sa mga mambabatas ay ang tingnan ang “insufficient” o hindi sapat na pondo para sa mga benepisyo at allowances ng health care workers. Ito aniya ang pinaka-malaking hindi naibigay sa DOH sa ilalim ng 2023 budget.
Samantala, tinanggal din umano ng Budget Department sa line item ang Cancer Assistance Fund na nasa P500 million. Kaya naman hiling ni Vergeire, maibalik ito dahil parte ito ng batas.
Kabilang pa sa biktima ng budget reduction ay ang alokasyon para sa Epidemiology and Surveillance Program ng DOH, na kailangan pa naman para makapagtayo ng units sa buong bansa, base sa naranasan noong kasagsagan sa COVID-19 pandemic.
Isusumite naman ng DOH sa Kamara ang iba pang programa na nakaltasan o inalisan ng budget.
Ngunit sa pagtaya ni Vergeire, nasa P76 billion ang kailangan para sa 2023 requirement, habang “arrears” na nasa P64 billion at ito ang kinakailangan para matupad ang pangako sa health care workers.
No comments:
Post a Comment