Tumaas ang alokasyon ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth habang bumaba naman ang pondo ng karamihan sa attached corporations at agencies ng Department of Health o DOH, batay sa 2023 National Expenditure Program o NEP.
Sa briefing ng House Committee on Health, humarap ang mga opisyal ng DOH sa pangunguna ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire kung saan idinetalye ang panukalang 2023 budget ilang araw bago maisalang sa budget briefing ng House Committee on Appropriations.
Para sa susunod na taon, ang panukalang pondo ng DOH ay P301 billion --- base sa 2023 NEP, na 10% na mataas kumpara sa 2022 budget.
Mula rito, P195.63 billion ang laan sa Office of the Secretary, na tumaas mula sa P187.84 billion ngayong 2022.
Sa attached corporations, ang Philhealth ang nakatikim ng malaking pagtaas na nasa P100.23 billion ang pondo para sa 2023, kumpara sa P79.99 billion ngayong taon.
Ito ay 33% ng buong pondo ng DOH, na laan para sa Philhealth premium subsidies ng indirect contributors at benefit package improvement.
Gayunman, inamin ng DOH na karamihan sa attached corporations at agencies ay may pagbaba sa alokasyon sa 2023.
Kabilang dito ang National Nutrition Council o NNC na nasa P401 million ang pondo, mula sa P478 million sa kasalukuyang taon.
May tapyas-pondo rin ang mga government hospital na National Kidney and Transplant Institute o NKTI, Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, Philippine Childrens Medical Center, at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care.
No comments:
Post a Comment