Pinagsabihan ni House Committee on Appropriation Vice Chairman at Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang mga taga Department of Agriculture (DA) na tila hindi handa ang mga opisyal ng ahensiya sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas sa isinagawang budget deliberation.
Partikular na pinuna ni Garin ang kawalan ng undersecretary at assistant secretary for finance ng tanungin kaugnay sa pondo ng ahensiya at ang paglabas sa session ng mga opisyal at hindi tinutulungan ang kanilang mga tauhan sa pagsagot sa mga tanong.
Sinabi ni Garin, dapat alam ng mga opisyal ang kanilang isasagot sa mga tanong lalo at hindi araw araw ginagawa ang budget hearing.
Nasa P163.8 billion ang proposed budget ng Department of Agriculture para sa fiscal year 2023.
Mataas ito ng 40% mula sa 2022 budget ng ahensiya.
Sa opening statement ni Garin sa pagsisimula ng budget briefing ng ahensiya, sinabi nito na ang pagtaas sa pondo ng DA ay patunay ito na seryoso si Pang. Bongbong Marcos na gawing prayoridad na magkaroon ng sapat na pagkain na naaayon sa kaniyang 8-point socio-economic agenda.
Dahil si Pang. Marcos ang nakatutok sa ahensiya, ni-recalibrate ng DA ang kanilang budget para sa 2023 na naaayon sa direktiba ng Pangulo ang pagpapalakas sa local production, reducing production costs at raising income ng mga magsasaka at mangingisda.
Pinasisiguro din ng Pangulo na magkaroon ng stability sa presyo ng mga pangunahing bilihin at taasan pa ang production levels.
Binigyang-diin din ni Garin na madaming magagandang programa ang nakalinya para sa mga manggagawa sa agrikultura.
Giit ng mambabatas ang usaping agrikultura ay hindi lamang tungkol sa pagtatanim o pag-aalaga ng hayop kundi tungkol ito sa isang buo at kompletong sistema na makakatulong para sa sapat at abot kayang pagkain.
No comments:
Post a Comment